NAGPASALAMAT si Department of National Defense (DND) OIC Senior Undersecretary Carlito Galvez, Jr. sa pag-amyenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa batas na nagtatakda sa fixed-term ng matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay Galvez, umaasa sila na matutugunan ng R.A. 11939 ang mga problema kung hindi naayos ang ilang probisyon ng R.A. 11709.
Bumuo na aniya sila ng technical working group para sa implementing rules and regulations (IRR) ng R.A. 11939.
Sa ilalim ng R.A. 11939, dalawang taon ang magiging fixed-term ng Philippine Army Commanding General, Philippine Air Force Commanding General at Philippine Navy Flag-Officer-In-Command gayundin ang Philippine Military Academy Superintendent.
Habang mananatili sa 3 taon ang fixed-term ng AFP Chief of Staff.
Nakapaloob din na mula sa edad na 56, magiging edad 57 na ang retirement age ng mga may ranggong 2nd Lieutenant o Ensign hanggang Lieutenant General o Vice Admiral.