INAMIN ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa mga senador na nag-ooperate pa rin sa bansa ang dalawang POGO service providers na sangkot sa kidnap for ransom.
Nagisa sa pang-apat na pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means at Committee on Public Order ang PAGCOR habang tinatalakay ang economic impact ng POGO sa bansa.
Sa hearing, natalakay ang kidnap for ransom na kinasasangkutan ng dalawang POGO service providers na naging laman ng privilege speech ni Senator Grace Poe noong Disyembre 14.
Sa speech, sinabi ni Sen. Poe na batay sa salaysay ng kaniyang kaibigan, ang abduction ay nangyari mismo sa kaniyang sister in law sa Pasay City at pagkatapos ay dinala raw ito sa isang dorm ng POGO workers sa Cavite para ibenta sa isang Chinese buyer.
Ayon kay Atty. Jessa Mariz Fernandez, Asst. Vice President ng Offshore Gaming Department ng PAGCOR, pinatawan na nila ng 10,000 US dollars o 500,000 pesos na penalty ang dalawang naturang POGO service providers.
Pero si Sen. Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Ways and Means, hindi kontento at hindi kumbinsido sa aksyon ng PAGCOR.
Nagisa rin sila kung bakit nag-ooperate pa ang mga naturang POGO service providers gayong nasasangkot ito sa krimen.
Ayon sa PAGCOR, hinihintay pa nila ang resulta ng imbestigasyon ng PNP para makagawa pa ng iba pang kaukulang aksyon.
Una namang pinagsabihan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang PAGCOR na huwag maging duwag sa mga dayuhan.
Maliban dito nabuko rin ng mga senador na nabudol ang POGO sa nakuha nilang third party auditor na Global ComRCI noong taong 2017.
Ayon sa PAGCOR, 10 taon ang kontrata nila sa Global ComRCI, ito ang siyang sumusuri ng gross gaming revenues ng POGO pagdating sa pagbubuwis.
Napag-alaman na isa sa mga standard qualification para sa isang auditor ay dapat mayroon itong 1B business capital.
Nakakuha ito ng certification mula sa Soleil Chartered Bank, ang problema napag-alaman mula sa BSP na hindi pala ito accredited bank o rehistrado sa bansa.
Napag-alaman din na ang nakuhang third party auditor ng PAGCOR na Global ComRCI ay walang maayos na opisina, kulang sa technical capability at hindi nagbabayad ng tamang buwis.
Absent naman sa pagdinig ang Global ComRCI kahit pinadalhan ito ng imbestigasyon.
Ayon kay Gatchalian, dahil may isyu ng credibility sa third party auditor, di raw tayo tiyak kung tama ang inirereport nitong kinikita ng bansa mula sa buwis sa POGO.
Naniniwala naman si Senator JV Ejercito, na hindi dapat biglaan ang gagawing pagpapasara ng POGO sa bansa lalo’t may mga empleyadong dapat ikunsiderà.
Una namang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., tinitimbang na ang social cost at benepisyo ng POGO sa bansa.
Naniniwala naman si Gatchalian na kailangang imbestigahan ng Blue Ribbon ang anomalya sa POGO.