Pagkuha ng lisensiya ng baril, may Sabado at Linggo na—PNP

Pagkuha ng lisensiya ng baril, may Sabado at Linggo na—PNP

BUBUKSAN ng Philippine National Police-Civil Security Group (PNP-CSG) ang kanilang serbisyo hanggang Sabado at Linggo sa pagproseso ng aplikasyon ng license to own and possess firearm, firearm registrations, permit to transport sa Sabado, Hunyo 10, 2023.

Ito’y para maiwasan ang pagkakaroon ng bilang ng mga ‘di lisensiyadong baril sa bansa.

Sa datos ng PNP-CSG, nitong Hunyo 2, 2023, nakapagtala sila ng 2.1 million na rehistradong baril, kung saan, 55% o katumbas ng 539-K ay pawang paso na ang lisensiya.

Maaaring dahilan ng napasong lisensiya at hindi pa na renew ay walang oras o panahon na maasikaso ang kanilang mga lisensiya dahil sa trabaho.

Dahil dito, napagdesisyunan ng PNP-CSG na buksan ang kanilang tanggapan sa pamamagitan ng one-stop shop sa araw ng Sabado at Linggo na magsisimula ngayong Hunyo 10, 2023.

Bukod sa one-stop shop, bubuksan din nito ang lahat ng satellite offices sa lahat ng malls sa bansa.

Giit ng PNP, ang konsiderasyong ito’y para himukin ang lahat ng may-ari ng baril na maging responsable sa kanilang obligasyon sa pagre-renew ng lisensiya.

Lalo pa anila na papalapit na ang lokal na halalan, kung saan ang mga hindi na-renew na lisensiya ng baril ay posibleng magamit sa paglaganap ng karahasan sa gitna ng pagsasagawa ng eleksiyon.

Sa katunayan, kasama sa kanilang babantayan ay ang mga politiko na mag-renew ng kanilang lisensiya ng baril upang hindi maging dahilan sa diskwalipikasyon ng pagmamay-ari ng baril.

Samantala, mariing pinaaalahanan ng PNP ang kukuha ng kanilang lisensiya na personal na magtungo sa mga tanggapan at iwasan na ipaubaya sa kahit sino para mapigilan ang reklamo kaugnay sa mahal na bayarin at paglaganap ng fixer.

Pinakamaraming bilang ng mga pasong lisensiya ang National Capital Region (NCR) na nakapagtala ng 211,000, sinundan ito ng Region 4A na may 108,000, at Region 3 na may mahigit 60,000.

Sa huli, nagbabala ang PNP na bukod sa malalabag ang RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), posible ring ma-disqualify ang mga ito sa pagmamay-ari ng baril lalo na kung makailang beses na hindi nagre-renew ng lisensiya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter