MAGANDA ang forecast ngayon ng International Monetary Fund (IMF) sa kanilang pagpunta sa Kamara nitong Miyerkules, Setyembre 27.
Ayon sa mga taga-IMF na bumisita kay Speaker Martin Romualdez, inaasahan ang mabilis na paglago ng ekonomiya sa huling semestre ng taon at sa susunod na taon.
Sinabi ng IMF team na pinangungunahan ni Mission Chief Mr. Jay Pereis na inaasahan nito na makakahabol pa ang paglago ng ekonomiya ng bansa sa huling bahagi ng 2023.
Nakapagtala ng 4.3% na paglago sa Gross Domestic Product (GDP) ang bansa sa ikalawang quarter ng taon.
Dahilan upang maitala ang 5.3% na GDP growth sa unang semestre ng 2023.
Kumpiyansa naman ang economic managers ng Marcos administration na maaabot pa rin ng bansa ang target na 6-7% GDP.
“This forecast is not only encouraging but also a testament to the resilience and hard work of our nation’s people, as well as the sound economic policies and reforms implemented by the administration of President Ferdinand R. Marcos, Jr.,” ayon kay Speaker Martin Romualdez.
Ayon sa IMF Team makatutulong sa paglago ng bansa ang inaasahang pagpasa ng panukalang 2024 budget bago matapos ang taon.
At ang mga batas at panukala na makakahatak ng mga dayuhang mamumuhunan.
Binanggit naman ng IMF Team na ang pagsasabatas ng Foreign Investment Act, Retail Trade Liberalization Act, at Public Services Act ay makakahatak ng dagdag na mamumuhunan sa Pilipinas.
Makakaakit din aniya ng mga mamumuhunan ang pagsasabatas ng mga panukalang pag-amyenda sa Build-Operate-Transfer (BOT), Public-Private Partnership (PPP) Act, at Fiscal Regime for the Mining Industry Act.
Ayon sa IMF ang panukalang pagbubuwis sa pagmimina ay makatutulong upang madagdagan ang pondo ng gobyerno habang napananatili nito ang pagiging competitive ng bansa.
Ang Pilipinas ay ikalimang pinaka-mineralized country sa mundo at tinatayang $1-T ang hindi pa nakukuhang mineral dito gaya ng ginto, nickel, zinc, cooper, at silver.
Mungkahi rin ng IMF Team na palakasin ang artificial intelligence sa bansa lalo na sa Business Process Outsourcing (BPO) industry kung saan mayroong competitive advantage ang mga Pinoy.
Inirekomenda rin ng grupo na lalo pang pagandahin ang regulasyon kaugnay ng pagproseso ng mga permit at kinakailangang dokumento sa pagnenegosyo.