Paglaya ng kakarampot na bilang ng kababaihang PDL, ikinadismaya ni Sen. Imee

Paglaya ng kakarampot na bilang ng kababaihang PDL, ikinadismaya ni Sen. Imee

DISMAYADO si Senator Imee Marcos dahil kakarampot lamang ang bilang ng mga kababaihang persons deprived with liberty (PDL) ang nakalaya mula sa Correctional Institution for Women (CIW) nitong Lunes.

Siniguro naman ng Bureau of Corrections (BuCor) na mas bibilisan pa nila ang pagproseso ng mga mahahalagang dokumento upang mas dumami pa ang makalaya.

Panawagan ng senadora na bilisan ang pagproseso ng mga papeles ng mga PDL at itigil ang pag-red tape.

21 taon nang nakakulong sa CIW sa Mandaluyong City, ang 79 taong gulang na si Aling Linda bago pa siya inilipat dito, tumagal siya ng 8 taong sa Manila City Jail.

Emosyonal si Aling Linda dahil matagal niya nang nais makalaya at makapiling ang kaniyang pamilya bago pa man ang kaniyang kaarawan ngayong Agosto.

“Gusto ko pong sumabog yung dibdib ko, kaya lang po tanggap ko na po, dahil may dapat din pong pagbayaran dahil may kasalanan din po. Pero sa tagal na po nang pagkakulong sana mabigyan kami ng pagkakataon na makauwi na. Dahil sobra sobra po naman yung pagsisilbi ko. Kasi umabot na po ako ng 29 years na nakakulong,” ayon kay Linda Gonzales, PDL.

Nitong Lunes ng umaga, 22 kababaihang PDL ang nakalaya mula sa CIW kung saan nasa kabuoang 267 PDLs ang napalaya sa iba’t ibang correctional facility.

 “Huwag mawawalan nang pag-asa. Every moment is important kaya nga inagahan ko kasi mas mabuti na yung maaga kaysa late. Kasi yung late atraso na natin iyan. Kailangan we are true to our word about justice,” ayon kay SOJ Jesus Crispin Remulla.

Si Senator Imee Marcos hindi naiwasang maglabas ng pagkadismaya dahil sa kakaunting kababaihang PDL na nakalaya.

 “Sa umagang to, medyo bitin tayo. Ipagtatapat ko na na talagang medyo disappointed tayo kasi bente dos lang pala dito sa kapitbahay kong Nueve de Pebrero,” ayon kay Sen. Imee Marcos.

 “Pero tuluy-tuloy naman ang takbo ng papeles. Sana mapabilis dahil nagiging tanyag na ang Pilipinas sa ‘just-tiis’ imbes na justice,” dagdag ni Sen. Imee.

 “Nagpapaumanhin po ako sa ating mahal na senador kasi bumiyahe pa po siya madaling araw para lang umattend dito. Eh kakaunti lang po ang narelease. Sinabi ko nga kay senadora. Babawi po ako babawi po ako,” ayon kay General Gregorio Catapang Jr. Director BuCor.

“Pilitin namin na hanggang 500 na babae lang ha, babae na naipapalaya natin,” dagdag ni Catapang.

Red tape, dahilan kung bakit natatagalan ang pagpapalaya sa mga PDL

Pero bakit nga ba tumatagal ang proseso para lang mapalaya ang isang PDL?

“‘Yung documentation, ‘yung papeles po ang dami pong pumipirma,” ani Catapang.

 “Ang daming sobrang signature na required. Pinagpipilitan ni general ng BuCor pero saksakan na red tape. Eh bakit naman ire-red tape? Mabilis tayong magpakulong, ang bagal-bagal natin magpalaya. Hindi naman ata tama yun,” ani Sen. Marcos.

Pinahahanapan na ni Sen. Marcos ang BuCor ng mga paraan upang mapabilis ang proseso ng pagpapalaya sa mga PDL.

Pondo para sa pagpapalawak ng mga pasilidad at piitan ng BuCor, ipinanawagan

Samantala inanunsiyo naman ni Gen. Catapang na isasara muna  ang CIW sa Mandaluyong bago magtapos ang BBM administration dahil overcrowded na ang piitan.

Hinimok ni BuCor chief ang mga PDL na maaaring pumili ng malilipatan sa ibang penal farm na nasa Palawan, Davao, Mindoro at Leyte.

Paglalahad ni Catapang na kaya nagsisikipan na sa mga correctional facility ay dahil 1973 pa nang huling magpatayo ng kulungan.

“Hindi naman tayo kulang sa lupa. Ang kulang sa atin facilities. Ang lalapad ng lupa natin. Daang ektarya ang lupa natin. Kailangan lang natin pondohan. Kaya budget hearing na naman po. Makikiusap po kami kay senator,” ani Catapang.

Tiniyak naman ni Sen. Marcos na maipapasok ang pagpapatayo ng mas malawak na mga pasilidad ng BuCor sa nalalapit na budget hearing.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter