NANINIWALA si Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores na ang paglikha ng Department of Water ang magiging solusyon upang masagot ang mga problema kaugnay sa tubig.
Sa panayam ng SMNI News, ipinaliwanag ni Flores, ang chairman ng House Committee on Government Reorganization na ang planong paglikha ng kagawaran para sa tubig ay upang ma-centralize ang mga polisiyang ipinatutupad kaugnay sa tubig.
Sa ngayon aniya ay hawak ng magkakaibang ahensiya ang distribusyon nito.
Ipinunto pa nito na ang gobyerno ang responsable na bigyan ng malinis, ligtas at stable o matatag na mapagkukunan ng tubig ang mga mamamayan kaya’t kinakailangan nang buuin ang naturang panukala.
Mababatid din na isa ang paglikha ng Department of Water sa mga priority bills ng Marcos administration.
Umaasa rin si Flores na ang pagbuo sa naturang panukala ang siyang makakapag-resolba sa mga suliraning kinakaharap ng mamamayan na may kaugnayan sa tubig.