INAASAHAN sana ang pagpapatupad sa Oktubre 1 ng penalty sa mga motoristang lalabag sa mga alituntunin ng mga expressway sa National Capital Region (NCR) at mga karatig nitong lugar.
Kasama sa mga paglabag na papatawan ng multa ang kawalan ng Radio Frequency Identification (RFID) sticker at ang kakulangan sa load sa mga toll gate.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Toll Regulatory Board Executive Director Atty. Alvin Carullo na ipinasa ang Joint Memorandum Circular No. 2024-001 para maresolba ang problema sa toll lane: ang tinatawag na “No RFID, No Entry” at “No Sufficient Load, No Entry””
“So, ang goal po ng ating joint memorandum circular, eh para po mayroon tayong guideline para sa ating motorista na susundin, para po iyong tinatawag nating toll quing o paghaba ng traffic sa ating mga toll lane eh maiwasan,” saad ni Atty. Alvin Carullo, Executive Director, Toll Regulatory Board.
Sa anunsiyo ng Department of Transportation (DOTr), ang pagpapataw ng penalty sa mga motoristang pumapasok sa toll highway na walang RFID tags ay iniurong na sa Enero sa susunod na taon.
Inihayag ni DOTr Secretary Jaime Bautista sa kaparehong briefing na patuloy na nangangalap ng mga input ang ahensiya sa pamamagitan ng mga konsultasyon kasama ang iba’t ibang stakeholders ng tollway, kabilang ang impormasyon at profile ng mga lumabag.
“This information will be used to make any amendments to the joint memorandum circular. Let us not lose sight of the goal ‘no – convenient and traffic-less travels at all expressways using cashless toll exits,” wika ni Sec. Jaime Bautista, DOTr.
Sa datos ng Toll Regulatory Board na kanilang nakuha noong Mayo 2024, may natitira pang 4.8% na mga motorista na walang RFID habang 95.2% ang mayroon na.
“So ang pinoproblema na lang natin iyon 4.8%. Ang nakakalungkot lang po, iyong doon po sa ating 95.2, mga 3.6% po diyan, hindi naglo-load ng tama or iyong may mga insufficient load. So, ito po iyong istatistika na nakita namin, kaya po kami nagpapatupad sana ng JMC,” ayon kay Atty. Alvin Carullo, Executive Director, Toll Regulatory Board.
Toll Regulatory Board, aminado na may problema sa operational system ng toll operators
Sa kabilang banda, aminado naman ang TRB na may problema rin ang operational system ng toll operators.
Isa aniya ito sa dahilan kaya napagkasunduan na suspendihin o ipagpaliban muna ang implementasyon ng pagmumulta.
“Hindi po natin maipagkakaila iyan.”
“Almost 6.76% po, out of 7.8% ng mga manual transaction o ito iyong mga namomroblema tayo, hindi nagiging successful iyong ETC transaction, eh ang dulo po nito ay depektibong RFID tag, ibig sabihin po, iyong mga RFID tag natin ay medyo pumapalya na, tapos iyong rest po, iyong mga .70 plus percent, iyon po iyong mga operational issues,” dagdag ni Carullo.
Una rito, ang pagpapataw ng multa ay nakatakda sanang ipatupad noong Agosto 31, ngunit iniurong ito sa Oktubre 1.
Samantala, sinabi ng opisyal ng TRB na hindi ipapataw ang multa hanggang ang electronic toll collection system ay maayos na. Ibig sabihin, ang iskedyul sa Enero 2025 ay maaaring ilipat na muli.