Pagpapabilis sa produksiyon ng mga pangkaraniwang gamot sa bansa, ipinag-utos ni PBBM

Pagpapabilis sa produksiyon ng mga pangkaraniwang gamot sa bansa, ipinag-utos ni PBBM

MAYROONG direktiba ngayon si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang proseso at pagpapalakas sa lokal na produksiyon ng mga pangkaraniwang gamot sa bansa upang mapababa ang presyo ng mga ito.

Ito ang kaniyang naging utos sa isinagawang sectoral meeting sa Malacañang nitong Martes.

Kabilang din sa gusto ng Pangulo na mapabilis ang pagpaparehistro ng mga karaniwang gamot.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Samuel Zacate na inilatag ng FDA ang mga panukala at rekomendasyon upang makatulong sa pagpapabilis ng drug registration.

Kasama sa mga estratehiya ang pagbabalangkas ng guidelines tulad ng pagbibigay sa local manufacturers at drug importers ng mga konkretong alituntunin para sa pagpaparehistro ng kanilang mga produkto.

Ani Zacate, magkakaroon ng extension ng validity period para sa License to Operate (LTO) at Certificate of Product Registration (CPR).

“From the initial three years to five years renewal; now, it will be increased to five years initial and ten years renewal. It will help further the stakeholders for the drug to further their business interest and to strengthen the drug accessibility in the country,” ayon kay Dr. Samuel Zacate, Director General, FDA.

Sinabi rin ni Zacate na ang pag-apruba sa mga aplikasyon ng generic drugs ay paiiksiin na lamang sa 45 araw mula sa dating 120 araw.

“I’m on the verge of signing the memorandum circular for the facilitation of FRP for generic drug – it means it will shorten the 120 days to 45 days. So, it is a matter of time that I will sign that. So, mas mapapadali iyong proseso,” dagdag ni Zacate.

Ayon kay Dr. Zacate, ang mga pagbabagong ito ay hindi lamang makatutulong sa mga stakeholder sa pagsulong ng kanilang mga interes sa negosyo kundi pati na rin mapabuti ang accessibility ng mga medikal na gamot sa bansa.

Plano rin ng FDA na ipatupad ang digitalization sa pamamagitan ng pagbuo ng mga electronic CPR service platform at restructuring fees at charges.

‘Pharma Zones’ na layong mapababa ang presyo ng mga gamot, itatatag

Samantala, iniatas din ni Pangulong Marcos Jr. sa health officials na pag-aralan ang pagtatatag ng tinatawag na pharmaceutical economic zones o “pharma-zones”.

Nilalayon nito na mapababa ang presyo ng mga gamot at matiyak ang mahusay na proseso ng regulasyon.

Sinabi ni Dr. Zacate na ang mga zone na ito ay gagana bilang isang one-stop-shop para sa pagpaparehistro ng generic medicines at antibiotics.

Nabanggit din ng FDA Chief na ang paglikha ng pharma-zones ay magpapalakas ng lokal na produksiyon ng gamot sa tatlong lugar na tinukoy ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA).

 “As of now, there are three main, but iyong isa is I think the Clark, but the two has yet to be determined by the PEZA itself kasi hindi pupuwede makapag-determine iyong FDA. We just there to streamline the process,” ani Zacate.

Kaugnay rito, hinihikayat ng gobyerno ang mga dayuhan at lokal na mamumuhunan na ilagak ang kanilang pera sa sektor ng parmasyutiko ng Pilipinas sa pamamagitan ng paglalagay ng mga pharma-zone na katulad ng mga ecozone na minomonitor at sinusuri ng PEZA.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble