Pagtaas ng bilang ng mga out-of-school youth, ikinababahala

KINAKAILANGAN nang bigyan ng atensyon ang kasalukuyang sitwasyon ng mga out-of-school youth (OSY).

Ito ang sinabi ni Senator Sonny Angara, chairman ng Committee on Youth, dahil aniya sa pagtaas ng bilang ng mga OSY bunsod ng epekto ng pandemya sa sektor ng edukasyon.

Binigyang-diin ni Angara na kapag patuloy na tataas ang bilang ng mga kabataang hindi na nag-aaral ngayon, ay magdudulot ito ng mas malala at malalaking problema sa hinaharap.

Kaugnay nito, inihain ngayon ni Senator Angara ang pagtatatag ng Magna Carta of the OSY na layong palakasin ang mandato ng pamahalaan sa pagpapatupad ng mga polisiya at programa para sa mga OSY sa bansa.

Batay sa pinakahuling datos ng Department of Education, halos aabot na sa apat na milyong mag-aaral ang hindi nakapagpa-enroll sa kasalukuyang school year.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, siyam na porsyento o 3.53 ng tinatayang nasa 39.2 Pilipinong may edad anim hanggang dalawampu’t apat na taong gulang ay ikinokonsiderang out-of-school youth.

Kabilang sa tinutukoy na dahilan ng hindi pag-aaral ng mga OSY ay pag-aasawa o problema sa pamilya, kawalan ng personal na interes sa pag-aaral, at mataas na gastusin sa edukasyon o kawalan ng pinansyal na suporta.

SMNI NEWS