NAKAHANDA na ang pamahalaan na simulan ang coronavirus disease o COVID-19 vaccination sa Pebrero 15.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na darating na sa bansa ang unang batch ng mga bakuna ng Pfizer-BioNTech mula sa COVAX facility sa kalagitnaan ng Pebrero.
Tinatayang nasa 117,000 doses ng COVID vaccines ang darating sa bansa.
“Ang sabi po ng COVAX Facility sa kanilang liham, it will be made available, it will come to us by mid February. Kaya nga po ang sinasabi ko, handang-handa na po tayo by mid February or February 15 at importante po na inimbita natin ngayon ang mga alkalde ng mga lokal na pamahalaan lalo na dito sa Metro Manila kung saan parating ang Pfizer para malaman naman po ng ating mga kababayan na handang-handa na tayo,” pahayag ni Roque.
Dagdag pa ng kalihim, inaasahan nila na dalawa o tatlong araw ay mabibigyan ang Philippine government ng notice para sa pagsakay sa eroplano lalung-lalo na ang Pfizer para makapaghanda ang kinauukulan sa pagsundo nito sa paliparan.
Pahayag pa ni Roque, target ng gobyerno na mabakunahan ang lahat ng adult population sa taong ito ng 2021.
Samantala, tinukoy na ng ilang local government units (LGUs) ng Metro Manila ang bilang ng vaccination sites sa kani-kanilang nasasakupan.
Sa Caloocan City, mayroon ng kabuuang 54 vaccination sites at mayorya rito ay mga eskwelahan.
Sinabi ni Caloocan Mayor Oscar ‘Oca’ Malapitan na sa tala nitong Pebrero 2, may available na 165 vaccinators ang lungsod.
Kaugnay nito, ibinahagi ni Malapitan ang Eligible Group A ng kanilang vaccination na binubuo ng 336,446 individuals habang ang Eligible Group B naman ay nasa 780,207 na mga indibidwal o 45.42% ng populasyon ng Caloocan.
Magkakaroon naman ng 481 vaccination teams na magsasagawa ng isang daan (100) pagbabakuna sa loob ng 7 araw.
Sa katapusan ng taon, target ng Caloocan LGU na mabakunahan ang nasa 60% ng kanilang nasasakupan.
“Ang populasayon namin sa Caloocan ay 1.7 million. Kung aalisin dito ang 17 years-old below na nasa 600,000 ay mayroon tayong 1.1 million na tina-target na mabakunahan,” ayon kay Malapitan.
Sa Navotas City, mayroon na silang dalawampung (20) vaccination sites.
Nagpaalam naman ang pamunuang lokal ng Navotas sa Department of Education o DepEd na gamitin bilang vaccination sites ang mga paaralan sa lungsod.
Sa tantya naman ni Tiangco, nasa isang daang indibidwal ang mababakunahan bawat vaccination site.
Kasunod nito, sabi ng alkalde na kung masusunod ang ang isang daan (100) kada araw, aabutin lamang ng limampung (50) araw ang gagawing vaccination sa syudad.
“Ang ginagawa po namin naka 3rd dry run na po kami……..yung piblic schools yun 20 na ho na iyon,” ayon kay Tiangco.
Sa Quezon City naman, may natukoy na ang LGU na 24 vaccination sites.
Inilahad ni Quezon City Mayor joy Belmonte na mayroon silang higit isang milyong (1,066,000) indibidwal na napabibilang sa priority list sa vaccine rollout.
“Marami namang willing magpabakuna rito sa Lungsod Quezon at kailangan pa natin kumbinsihin ang mga undecided kung makumbinsi natin makakamit natin ang herd immunity kung lahat ay magpabakuna,” pahayag ni Belmonte.
Dagdag pa ni Belmonte, target nilang mabakunahan ang 252,000 na mga residente ng lungsod kada buwan.
Una nang inihayag ng World Health Organization na magmumula sa COVAX Facility ang 117,000 doses ng Pfizer-BioNTech na darating sa bansa sa ikalawa o ikatlong linggo ng Pebrero.