Pamahalaan, target mabawasan ang poverty incidence ng 9% pagdating ng 2028—NEDA

Pamahalaan, target mabawasan ang poverty incidence ng 9% pagdating ng 2028—NEDA

NANANATILING nakatutok ang administrasyong Marcos sa prayoridad nitong bawasan ang saklaw ng kahirapan sa mga Pilipino sa 9% sa oras na bumaba sa puwesto si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa taong 2028.

Ito ang ibinahagi ng Presidential Communications Office (PCO) base na rin sa pahayag ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan.

Aniya, nakatuon ang pamahalaan sa pagbawas ng poverty incidence sa pamamagitan ng iba’t ibang estratehiya at whole-of-society approach.

Naglabas ng pahayag ang NEDA chief, isang araw matapos ang inilabas na self-rated poverty survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagpapakitang halos kalahati ng mga pamilyang Pilipino ang itinuturing na sila ay nabubuhay sa kahirapan.

Saad ni Balisacan, kung matatandaan ay isinagawa aniya ang SWS, September survey matapos ang sunud-sunod na bagyong tumama sa bansa, na nakaapekto rin sa mga presyo ng pagkain at direkta ring nakaapekto sa maraming pamilyang Pilipino.

Binigyang-diin naman ng NEDA secretary na ipinatutupad ng gobyerno para sa panandaliang panahon, ang ilang hakbang upang mabigyan ng agarang tulong ang mga nangangailangan.

Iba’t ibang estratehiya ng pamahalaan para tugunan ang poverty incidence sa bansa, inilatag ng NEDA

Kabilang dito ang rollout ng food stamp program, ang pagtanggal ng pass-through fee para sa mga sasakyang nagdadala ng mga kalakal, at ang pamamahagi ng cash aid sa pamamagitan ng Rice Farmers Financial Assistance Program, na partikular na target beneficiaries ang pinakamahihirap na indibidwal.

Idinagdag pa ni Balisacan na pinaprayoridad din ng administrasyon ang mga patakaran at programa na naglalayong makabuo ng higit at mas mataas na kalidad ng mga trabaho, na aniya, ay pinakamatibay at epektibong paraan sa pagbabawas ng kahirapan.

Kabilang dito ang pagpapalawak ng mga merkado, pagpapabuti ng mga imprastraktura, at pag-akit ng strategic investments.

Kasabay rito, nagpatupad din ang administrasyong Marcos ng mga hakbang upang mapabilis ang mga pagsisikap na ito, tulad ng pagratipika sa Regional Comprehensive Economic Partnership, pagtatatag ng green lanes para sa strategic investments, at pag-streamline ng mga pamamaraan sa pag-apruba ng proyekto, bukod sa iba pa.

Isinusulong din ng pamahalaan ang mga programa para gawing moderno ang agrikultura at pag-ibayuhin ang productivity.

Sa pamamagitan ng mga nabanggit na estratehiya at sa whole-of-society approach, kumpiyansa ang NEDA chief na mababawasan ang poverty incidence sa mga Pilipino hanggang 9% pagdating ng 2028.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter