NAGING limitado lamang muna ngayon ang naging pahayag ng kampo ng Pamilyang Dacera hinggil sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa kaso ng pagkamatay ni Christine Dacera.
Sa katunayan ngayong araw ay nakapanayam ng SMNI News team ang ina ni Christine na si Sharon Dacera pero tumanggi muna itong humarap sa camera sa hindi ipinaliwang na dahilan.
Sinubukan din kunan ng pahayag ng SMNI News team ang isa sa mga abogado ng Pamilyang Dacera na si Atty. Paolo Tuliao pero tumanggi muna itong magbigay ng detalye habang nagpapatuloy ang nasabing imbestigasyon.
“They agreed na as lawyers will refrain muna from discussing the case, kasi we warned din yesterday by the fiscal na last na muna ung presscon,” ayon kay Atty. Tuliao.
Pero ayon kay Mrs. Dacera, nakatakda naman iuwi ang mga labi ni Christine sa General Santos City bukas na lulan ng Philippine Airlines habang pansamantala muna ibuburol ngayong gabi sa isang simbahan ang katawan ng biktima.
“Actually, on hold muna namin siya ngayon doon sa isang church pero this is only private para po and respect po sa amin so hindi po muna namin macover sa media,” ayon kay Mrs. Dacera.
“Uuwi na rin kasi kami sa GenSan bukas dadalhin na namin sya pauwi,” dagdag niya.
Sa kabila ng pagiging emosyonal ni Mrs. Dacera hinggil sa hinihinging hustisya sa pagkamatay ng kanyang anak at naging matapang pa rin na hinamon ng ginang ang walo pang suspek na sangkot sa pagkamatay ni Christine.
“Ako ang nawalan! Ako ang nawalan tapos nandiyan kayo? Kung wala kayong kasalanan come to open. Alangan patayin ang anak ko ang kanyang sarili?” ani Dacera.
Giit ni Mrs. Dacera sa mga taong may kinalaman sa pagkamatay ni Christine kung sinasabi nilang wala silang kasalanan ay hinihimok nito na magpakita at patotohan na wala silang kinalaman sa pagkasawi ng flight attendant.
Sa kabila nito ay naniniwala pa rin ang ginang sa buong suporta na ibibigay ni Pangulong Rodrigo Duterte para katarungan ni Christine.
“Ang sa akin lang naman po yung pinapakitang sandatahang lakas na pi-feel ko po yung suporta ng ating tatay Digong, I’m seeking for justice ,alam ko may anak at apo din naman si Tatay Digong na babae, alam ko ayaw niya rin yan mangyari sa kanyang apo at sa magiging anak ng anak niya,” ani Dacerna.
Samantala kaninang umaga ay bumisita si PNP Chief General Debold Sinas sa mga naulilang mahal sa buhay ni Christine sa San Juan.
Sa naging pahayag naman ni General Sinas kay Mrs. Dacera ay susuporatahan nito ang ginang upang mabigyan agad ng katarungan ang dalaga.