INAPRUBAHAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga rekomendasyon ng kanyang economic team para palakasin ang domestic economy sa gitna ng hidwaan ng Russia at Ukraine.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, tinipon ng Pangulo ang ilang miyembro ng gabinete upang pag-usapan ang mga potensyal na senaryo sakaling patuloy at lumaki ang tensyon sa dalawang bansa.
Ani Nograles, inaprubahan ng Pangulo ang rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) na palakasin ang local food production.
Kasama na aniya rito ang produksyon ng pagkain sa pamamagitan ng pagpatutupad ng Plant, Plant, Plant part two, pagpapataas ng rice buffer stock na hindi bababa sa tatlumpung araw, pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga nagsasaka ng palay, at pagtugon sa tumataas na presyo ng abono o pataba, tulad ng pagbibigay ng fertilizer subsidy at market access sa pamamagitan ng bilateral discussions sa fertilizer-producing countries.
Inaprubahan din ng Pangulo ang rekomendasyon ng DA sa pamamahagi ng fuel discount vouchers sa mga magsasaka at mga mangingisda bilang tugon sa tumataas na presyo ng langis.
Kung kinakailangan, sinabi ni Nograles na nakahanda ang pamahalaan na isakatuparan ang implementasyon ng price control law.