NAKIKITA ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. sa sarili ang kanyang ama sa pag-upo nito bilang presidente.
Nabanggit ito ng Punong Ehekutibo sa kanyang unang vlog bilang Pangulo ng Pilipinas.
Sambit pa ni Pangulong Marcos, ngayong Presidente na siya, para aniyang pinapanood nito ang kanyang ama habang ito ay nagtatrabaho.
Sa unang linggo ni Pangulong Marcos, nagdaos ito ng unang cabinet meeting kung saan kasama sa natalakay ang mga hakbang sa pagtugon sa patuloy na pagsirit ng presyo ng langis, pagpapalakas ng food security at pagbabalik ng physical classes.
Binigyang-diin ng Chief Executive ang kahalagahan ng booster campaign rollout upang ligtas na makabalik ang mga bata sa face-to-face classes sa Agosto o sa Setyembre.
Kaugnay nito, nais ni PBBM na magsagawa ang local government units ng large-scale immunization drive para sa COVID-19 booster shot sa mga mag-aaral.
Bukod dito, upang tuluy-tuloy na ring mabuksan muli ang ekonomiya.
At pagka maging matagumpay ang booster rollout, ani Marcos ay marahil puwede nang ibaba ang alert level at maaari nang gawing optional ang pagsusuot ng facemask.
Subalit giit ng Punong Ehekutibo, hindi pa ito gagawin hanggang maliwanag na maliwanag na ligtas na talaga ang lahat mula sa coronavirus disease.
“Napakahalaga ng booster shot lalo na ngayong tumataas na naman ang mga kaso [ng COVID-19] at ibabalik na natin iyong mga estudyante sa face-to-face,” pahayag ng Pangulo.
Sa kabilang banda, inihayag ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na patuloy na nagtatrabaho si PBBM kahit naka-isolate makaraang magpositibo sa COVID-19.
Saysay ni Angeles, nagbibigay pa rin ng mga direktiba ang Punong Ehekutibo sa mga cabinet official.
Samantala, inihayag pa ni PBBM sa kanyang vlog na tuluy-tuloy pa rin ang pagtatalaga nito ng mga opisyal at liderato sa bawat departamento.
Sa ngayon, bumubuti na ang kalagayan ni Marcos, walang lagnat, walang naranasang pagkawala ng panlasa at pang-amoy.