Panukala para sa pagpapalawak ng mga oportunidad sa mga guro inihain ni Gatchalian

Panukala para sa pagpapalawak ng mga oportunidad sa mga guro inihain ni Gatchalian

NAGHAIN si Sen. Win Gatchalian ng isang panukalang batas na layong gawing permanente o institutionalized ang Career Progression System para sa mga guro sa pampublikong paaralan, bagay na magpapalawak ng oportunidad sa kanila na magkaroon ng career path sa pagtuturo, school administration, at supervision.

Sa ilalim ng “Career Progression System for Public School Teachers Act,” (Senate Bill No. 2827), maaaring ma-promote ang mga guro bilang Master Teacher II sa ilalim ng teaching career line, School Principal I sa school administration career line, o Supervisor sa ilalim ng supervision career line. Nakasaad din sa naturang panukala na magkakaroon ng awtoridad ang Department of Budget and Management (DBM) na gumawa ng mga bagong posisyon na Teacher IV, Teacher V, Teacher VI, Teacher VII, at Master Teacher V.

Layon din ng naturang panukala na itaas ang kasalukuyang minimum salary grade ng mga public school teacher sa Salary Grade 13 mula Salary Grade 11, habang tataasan din ang sahod ng mga nasa mas mataas na posisyon. Nakasaad sa panukalang batas na gagawing magkakatugma ang mga qualification standards para sa lahat ng mga teaching positions sa lahat ng antas sa sistema ng mga pampublikong paaralan.

“Dahil sa mahalagang papel ng mga guro sa pagpapaunlad ng ating bansa, nararapat lang na bigyan sila ng karampatang pagkilala sa pamamagitan ng pagtiyak sa kanilang professional development at pagbigay ng angkop na sahod,” ani Gatchalian.

Bagama’t umakyat ang bilang ng mga public school teachers sa 61% o 881,477 para sa school year (SY) 2022-2023 mula 547,574 noong school year (SY) sa 2012-2013,  nananatiling limitado ang mga oportunidad sa ilalim ng EO No. 500, s. 1978 (Establishing a New System of Career Progression for Public School Teachers.

Batay sa datos ng Department of Education (DepEd), 92% ng mga guro ang may posisyon na Teacher I hanggang III, samantalang 8% lamang ang may posisyon na Master Teacher I to IV. Tatlumpu’t dalawang porsiyento ang may posisyon na Teacher III, habang 5% ang Master Teacher I. Lumalabas sa datos na ito na ang mga gurong kwalipikado sana sa mas mataas na posisyon ay nananatiling Teacher III dahil sa limitadong bilang ng mga Master Teacher I. Sa 65,402 na mga master teacher sa bansa, 1% lamang o 561 ang may Master Teacher III at IV na mga posisyon.

Nilagdaan noong Hunyo 23, 2022 ang EO No. 174 na lumikha sa Expanded Career Progression System para sa mga public school teachers. Sa bisa ng isang executive order, nilikha ang mga posisyon na teacher IV, V, VI, at VII, at Master Teacher V.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble