Panukalang baguhin ang komisyon para sa senior citizens, isinusulong sa Kamara

Panukalang baguhin ang komisyon para sa senior citizens, isinusulong sa Kamara

ISINUSULONG ni United Senior Citizens Party-list Rep. Milagros Aquino-Magsaysay ang agarang pagpasa ng kaniyang panukalang batas na layuning baguhin ang Republic Act (RA) No. 11350 o mas kilala bilang National Commission of Senior Citizens (NCSC) Act.

Sinabi niya na ang NCSC ay hindi nagpakita ng kakayahan na gampanan ang mga responsibilidad at tungkulin tungkol sa sektor ng mga senior citizen.

“This is why we need to make amendments to the law to make sure that the NCSC understands its mandate and abides by it. We don’t want a lame-duck commission. We want a working one,” saad ni Rep. Milagros Aquino-Magsaysay, United Senior Citizens Party-list.

Sa House Bill 9454, nais ni Magsaysay na pagtibayin ang kasalukuyang batas upang gawing mas epektibo para sa kapakinabangan ng mga senior citizen, at magbigay ng mas malinaw na gabay at direksiyon ukol sa orihinal na layunin ng batas.

“Pina-amend ko kasi ‘yung sa National Commission kasi medyo maraming hindi maliwanag doon. So, kagaya ng mga structural organization nila. Kaya hanggang ngayon, hindi pa sila talaga functional kasi unang-una, walang pondo,” dagdag ni Magsaysay.

Sa kasalukuyan, ang komisyon ay nasa ilalim ng Office of the President (OP). Sa ilalim ng bagong panukalang batas, ang NCSC ay mapapasailalim sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at inaatasan itong magtayo ng mga field office sa bansa.

“Sabi ko kung ang DSWD nakompleto sila ng opisina up to the municipal, nahihirapan pa sila na magbigay ng social system. Nade-delay pa. What more kung 8 cluster lang na region, they cannot function and they cannot do there job well. Kaya bigyan natin sila ng pondo for at least man lang we can start with 17 regions, and let say 12 lang ang empleyado doon sa region, pwede silang mag-assign sa mga municipal to give the social pension at saka ‘yung other programs for senior citizens kagaya ng centenarian,” dagdag ni Magsaysay.

Nakasaad din sa panukalang batas sa ilalim ng bagong panukalang batas, ang NCSC ay inaatasan na mag-develop ng isang integrated at comprehensive long-term National Plan para sa social protection ng mga senior citizen sa lahat ng antas, kasama na ang pagtataguyod at pagpapanatili ng isang national database sa profiling at referral system ng mga senior citizen.

Sa ilalim ng section 8 ng panukalang batas, sa pahintulot ng Department of Budget and Management (DBM), ang Komisyon ay magkakaroon ng isang structural organization, pattern ng staff, opisina, divisions, o units na batay sa mga responsibilidad at tungkulin na ito rin ay a-absorb at kukunin mula sa DSWD at iba pang mga kaugnay na alalahanin at bagong usapin.

Gayunpaman, maaari itong lumikha ng iba pang mga opisina, divisions o units kung kinakailangan upang ganap na mapatupad at mapanatili ang kaniyang operasyon.

Nakasaad din sa proposed amendment na awtorisado rin ang Komisyon na tumanggap ng mga grant, donasyon, kontribusyon, o regalo na wala sa kasalukuyang batas.

Batay sa datos ng National Commission of Senior Citizens, nasa higit 3.4 million na ang rehistradong senior citizen sa bansa.

Umaasa si Magsaysay na maipasa ang kaniyang panukalang batas sa susunod na taon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble