Pinatawan ng 74 na palo ng latigo ang Iranian singer na si Parastoo Ahmadi at ilang miyembro ng kaniyang banda dahil sa pagsasagawa ng online concert na walang suot na hijab ang singer.
Ayon sa abogado ni Ahmadi, isinagawa ang parusa nitong weekend sa Qom, Iran, bagama’t hindi pa ito kinukumpirma ng Iranian judiciary.
Nahaharap din sila sa dalawang taong travel ban at pagbabawal na makunan ng video o recording matapos mahatulan noong Hunyo dahil sa umano’y paglabag sa public decency.
Nagdulot ng matinding galit sa social media ang pagpapataw ng parusa, na kinondena rin ng human rights group na Hana bilang torture at cruel, inhuman o degrading punishment.
Bagama’t mas naging maluwag ang pagpapatupad ng ilang restriksiyon sa kababaihan sa Iran nitong mga nakaraang taon, patuloy pa rin ang mga crackdown ng mga awtoridad laban sa mga gawaing itinuturing nilang paglabag sa konserbatibong batas.
