Paris at iba pang rehiyon, ipatutupad ang 1- buwang lockdown simula Biyernes

INANUNSYO ni French Prime Minister Jean Castex ang isang buwang limited lockdown para sa Paris at ibang rehiyon sa bansa.

Ito’y matapos tumaas ang bilang ng mga pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa intensive care units (ICU).

Magsisimula ang lockdown sa Biyernes ng hatinggabi at magtatagal ng apat na linggo, isang taon matapos ipatupad ang unang nationwide lockdown sa France.

Ipatutupad ang restriksyon sa 16 na rehiyon kabilang ang Paris.

Isasara ang non-essential business at lilimitahan ang paglabas sa mga bahay ng mga apektadong rehiyon.

Mananatili namang bukas ang mga paaralan, at pinapahintulutan ang pag-ehersisyo hanggang 10 kilometro mula sa bahay.

Magpatutupad din ng curfew mula 7:00PM simula sa Biyernes.

Ayon kay Castex, nagmistulang 3rd wave na ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa France.

(BASAHIN: Third wave ng COVID-19, nararanasan sa ilang bansa sa Europe; bagong restriksyon muling ipinatupad)

Noong Pebrero, naitala ang daily infections sa France sa 20,000 bawat araw ngunit nakaraang linggo ay nagsimula na itong tumaas ng hanggang 20%.

Nitong Huwebes, Marso 18, naitala sa France ang 38,000 na bagong impeksyon, pinakamataas na lebel sa loob ng apat na buwan.

Puno na ang mga ospital ng Paris sa COVID-19 patients at nagsimula nang ilipat ang mga pasyente sa ibang rehiyon ng bansa.

Pang-anim ang France sa pinakamataas na bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa mundo na may 4.11 milyon.

Mahigit 91,000 na ang nasawi sa France mula sa nasabing sakit.

SMNI NEWS