Pastor Apollo, nais na maging ‘President for Life’ si Pangulong Duterte

Pastor Apollo, nais na maging ‘President for Life’ si Pangulong Duterte

NAIS ni Pastor Apollo Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ na magiging ‘President for Life’ si Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa mga Pilipino.

Ito aniya ay para hindi masira ang magandang nasimulang mga proyekto ni Pangulong Duterte para sa bansa.

Apela ng butihing Pastor na baguhin ang nakasaad sa Saligang Batas na hindi maaari ang term extension sa isang nakaupong pangulo matapos ang anim na taong panunungkulan nito.

“Nakita na namin na merong pangulo na makakagawa ng mga sentemento ng Pilipino. Gusto namin magpatuloy yan. Kaya hinihimok ko ang mga mambabatas na kung maaari baguhin ninyo ‘yang konstitusyon. Kung maaari gawin ninyong president for life ang ating pangulo para continuity para wala nang makasira sa ikabubuti ng bansa tuloy-tuloy na tayo. Kung hindi man maari gawan ninyo ng paraan na ma-extend yan,” pahayag ng butihing Pastor.

Matatandaan na isang press conference ng PDP Laban ay una nang sinabi ni House Speaker Lord Allan Velasco ang hangarin nito at ng miyembro ng PDP Laban na mapalawig ang termino ng nakaupong pangulo.

 “Salamat naman doon sa mga panukala ng iba tulad ng ating House Speaker na pwedeng i-extend ayon sa kagustuhan ng ating pangulo. Kung ako lang tulad sa China, si Xin Ping gumawa sila ng batas ginawang president for life. Kasi minsan-minsan lang tayo magkaroon ng pangulong ganyan tapos kung six years lang siya masyadong maigsi sisirain na naman ‘yung ginawa niya, dahil ganun ka-toxic ang pulitika dito, we will again suffer,” ayon kay Pastor Apollo.

Samantala, pinagdududahan naman ni Pastor Apollo ang katapatan ni Senator Manny Pacquiao sa hangarin nitong maging pangulo ng bansa sa 2022.

Kahit hindi pa kinukumpirma ng senador ang kaniyang pagtakbo sa nasabing posisyon ay nagpapahayag na ito ng mga pangako sa mga Pilipino sakaling magiging presidente ito.

“Parang hobby mo lang ang maging senador o congressman tapos ang main profession mo ay boxing kasi kumikita doon. Kung yan sana ang pokus mo sa boxing ay pinukos mo sa trabaho mo, naniniwala kaming sinsero ka. Bakit nakapokus ka sa boxing? May pera eh. Bakit hindi ka nakapokus dito bilang senador at congressman, konti ang pera eh. Ngayon ang pinopokusan mo ang pagiging presidente kasi madaming pera doon sa isip mo eh pera pera lang yan,” ayon pa kay Pastor Apollo.

Maliban pa dito ay ibinaling din ng butihing Pastor kay Pacquaio ang isyu ng korupsiyon.

Maliban aniya sa P2.2B utang nitong buwis sa gobyerno ay mayroon pang napabayaang proyekto si Pacquiao na ginastusan diumano ng mahigit P3-B.

Matatandaan na sa mga nakalipas na araw ay iginigiit ng senador na seryoso ito sa kaniyang krusada laban sa korupsiyon.

BASAHIN: Deklarasyon ng pagtakbo ni Pangulong Duterte bilang VP sa 2022, welcome development

SMNI NEWS