MAKIKIISA si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa 30th Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit sa San Francisco, California mula Nobyembre 15-17, na siyang culmination ng isang taon na chairmanship at hosting ng US ng naturang leaders’ meeting ngayong taon.
Una nang nabanggit ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Charles Jose na ang pagdalo ni Pangulong Marcos sa APEC Summit ay mahalaga para sa Pilipinas dahil ito ang nagsilbing pangunahing forum ng bansa para sa official engagements sa ibang economies sa Asia Pacific Region.
Ibinahagi pa ni Jose na 11 sa nangungunang 15 trading partner ng Pilipinas ay miyembro ng APEC.
Ang APEC economies ay gumaganap ng malaking papel sa Pilipinas, na nag-aaccount ng 85 porsiyento ng kabuuang exports at imports ng bansa, at humigit-kumulang 56 porsiyento ng foreign direct investments na pumasok sa bansa.
Samantala, pangunahing itutulak ng Pangulo sa naturang summit ang nais nitong pagpapalawig sa iba’t ibang sektor sa bansa tulad ng kalusugan, digitalization ng MSMEs o micro, small, at medium enterprises, food sector, energy sector, at research and development.
Inaasahan din na magkakaroon ng bilateral meeting si Pangulong Marcos kasama ang world leaders na dadalo sa nasabing aktibidad.
Mababatid na ang Pilipinas ay isang founding member ng APEC simula noong 1989.
Ang tema ng APEC ngayong taon ay “Creating a Resilient and Sustainable Future for All” na umaayon sa economic agenda ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr.
Filipino Community sa LA, California at Honolulu, Hawaii, bibisitahin ni PBBM sa sidelines ng APEC Summit
Pagkatapos makilahok sa APEC Leaders’ Summit, ayon sa DFA, magkakaroon din si Pangulong Marcos ng mga working visit sa Los Angeles, California at Honolulu, Hawaii.
Personal na bibisitahin ni Pangulong Marcos ang Filipino community sa LA at Honolulu sa sideline ng kaniyang pagdalo sa nasabing summit.
Ang pagbisita sa Filipino community ay nakagawian na ni Pangulong Marcos sa tuwing siya ay naglalakbay sa ibang bansa para sa official business, tulad ng state visits, mga pagpupulong sa foreign business leaders, bilateral meetings sa international leaders, at iba pa.
Bukod sa pagbisita sa Filipino community, dadaluhan din ni Pangulong Marcos ang APEC Business Advisory Council and Business Leaders Roundtable Discussion sa Los Angeles.
Bago bumalik sa bansa, dadalo rin si Pangulong Marcos sa Indo-Pacific Command roundtable discussion sa Hawaii.