NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa diplomatic corps na makipagtulungan sa gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng aniya’y impactful partnerships at cooperation.
Hiniling ni Pangulong Marcos ang suporta mula sa mga miyembro ng diplomatic community para sa pagkamit ng Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028 ng administrasyon.
Ginawa ng Chief Executive ang pahayag sa ginanap na Vin d’Honneur sa Malacañang Palace nitong January 31, 2023.
Ang PDP aniya ang magsisilbing blueprint ng bansa sa pagbabagong pang-ekonomiya at panlipunan sa susunod na 6 na taon.
“I urge our friends in the diplomatic community to work with us in achieving our development goals as laid out in the plan through partnerships and cooperation with your respective governments and also your business sectors. Let us discuss opportunities where our countries can participate,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Ang post-COVID-19 realities, ani Pangulong Marcos, ay nagdulot ng demand sa pag-recalibrate ng mga estratehiya at pagtutok sa mga kagyat na alalahanin na talagang mahalaga sa mga tao.
Ito ay gaya na lamang ng seguridad sa pagkain, pagbuo ng trabaho, pagbabawas ng kahirapan at pamamahala ng inflation.
Saad pa ng Punong Ehekutibo, malaking bahagi ng estratehiyang ito ang pag-akit ng mga pamumuhunan sa mga pangunahing sektor ng ekonomiya.
Kabilang dito ang agrikultura, renewable energy at imprastraktura, gayundin ang pagtiyak na ang mga oportunidad at investment pledges ay magiging aktwal na mga proyekto.
Nagpahayag naman ang Pangulo ng mataas na pag-asa sa patuloy na pagpapakita ng positibong takbo ng ekonomiya ng Pilipinas.
Bukod sa pagtugon sa mga lokal na isyu, sinabi ni Pangulong Marcos na patuloy na binibigyang importansya ng kanyang administrasyon ang ugnayang panlabas ng bansa.