PBBM, ipinag-utos ang geomapping ng agri lands upang mapataas ang ani at kita ng mga magsasaka

PBBM, ipinag-utos ang geomapping ng agri lands upang mapataas ang ani at kita ng mga magsasaka

IPINAG-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang geomapping ng agri lands upang mapataas ang ani at kita ng mga magsasaka sa bansa.

Ito ay upang magtatag ng soil maps para sa specific agricultural products upang matiyak ang pagtaas ng ani at mapabuti ang kita ng mga magsasaka.

Inilabas ni Pangulong Marcos ang kautusan sa pakikipagpulong nito sa Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM) sa Malacañang nitong Miyerkules.

Saad pa ng Punong-Ehekutibo, ginagamit na ng gobyerno ang geomapping sa pagresolba ng mga isyu sa pagpapatitulo.

Ang geomapping ay ang proseso ng pag-convert ng raw data mula sa mga survey tungo sa isang geomap na tumutulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng visualization ng lokasyon ng mga utility nang mabilis at tumpak.

Sa naganap pa rin na pulong, naglabas ang Philippine Rice Industry Stakeholders Movement ng ilang concerns, bagaman batay sa mga talakayan, marami sa mga hamong iyon ay madaling matugunan ng kasalukuyang mga interbensiyon at programa ng pamahalaan.

Kabilang sa sinasabing concerns ay ang mataas na halaga ng produksiyon ng bigas at limitadong access sa merkado, limitadong access sa capital investment, salungat na patakaran ng Bureau of Internal Revenue (BIR), kakulangan ng malawak na sistema sa irigasyon, ang climate crisis-El Niño threat at mabagal na paggamit ng mahahalagang teknolohiya sa rice production.

Kasama rin sa mga natukoy na hadlang sa mas mataas na produktibidad ay ang unavailability at kawalan ng access sa real-time data, mga maling programa at aktibidad sa mga ahensiya ng gobyerno na may kaugnayan sa agrikultura, rice smuggling, at inconsistent na consultative meetings sa iba’t ibang stakeholder ng bigas.

Samantala, kabilang naman sa mga kasalukuyang interbensiyon ng gobyerno na tumutugon sa mga alalahaning ito ay ang pagpatutupad ng Farm and Fisheries Consolidation and Clustering program (F2C2), pagbibigay ng iba’t ibang support services kabilang ang credit at financing ng DA at Land Bank of the Philippines, gayundin ang pagtatatag ng climate-smart agriculture infrastructure.

Bumubuo rin ang administrasyon ng National Agricultural and Fisheries Modernization and Industrialization Plan at iba pang plano, sa pagsangguni sa iba pang stakeholders, upang gabayan ang pag-unlad ng sektor ng agrikultura at pangisdaan.

Isinasagawa rin ang recalibration ng importation schedule para protektahan ang mga lokal na magsasaka at industriya.

Pinag-aaralan din ng gobyerno ang requirements ng panukalang pre-shipment inspection system ng Department of Finance (DOF), DA, at iba pang ahensiya ng gobyerno.

Nagsasagawa rin ang DA ng pagsusuri sa Rice Tariffication Law (RTL) at implementing rules and regulations (IRR) nito.

Mababatid na nakipagpulong si Pangulong Marcos sa mga miyembro ng Philippine Rice Industry Stakeholders Movement sa Palasyo ng Malacañang at tinalakay ang katayuan ng industriya ng bigas sa Pilipinas pati ang mga isyu at alalahanin ng mga stakeholder.

Follow SMNI NEWS in Twitter