LALAGDAAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang executive order para isulong ang ease of doing business sa Pilipinas upang makapag-engganyo ng mas marami pang foreign direct investment.
Ito ay matapos iharap ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Pangulo nitong Martes ang panukalang EO sa pagtayo ng green lane para sa strategic investments.
Ayon kay Office of the Press Secretary OIC Cheloy Garafil, sa ilalim ng EO ay aatasan ang mga concerned offices na magtayo ng green lane upang mapabilis at mapadali ang proseso at requirements sa pagpapalabas ng mga permit at lisensya kabilang ang mga resolusyon sa mga isyu ukol sa strategic investments.
Sakop sa panukalang EO ang lahat ng national government agencies at kanilang regional at provincial offices, local government units (LGUs) at quasi-judicial bodies na may kaugnayan sa pag-iisyu ng permits at lisensya na kinakailangan para sa pagtatayo ng strategic investments sa bansa.
Sa EO, inaatasan ang NGAs at LGUs na umaksyon sa permit o license application na hindi lalampas sa 3 working days kapag simple transaction, 7 working days naman kapag complex transactions at 20 working days sa highly technical transactions.