PBBM, nakipagpulong sa mga opisyal ng World Bank

PBBM, nakipagpulong sa mga opisyal ng World Bank

NAKIPAGPULONG sa mga opisyal ng World Bank si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Nanawagan si PBBM sa mga stakeholders na isakatuparan ang Philippine Rural Development Project (PRDP) Scale-Up.

Ito ay sa gitna ng isang pulong sa Malacañang kasama ang ilang mga kawani ng pamahalaan at mga opisyal ng World Bank.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), layon ng proyekto na mapaunlad ang sektor ng agrikultura kasama ang mga magsasaka, mangingisda at mga konsyumer.

Nakapaloob sa PRDP Scale-Up ang pangkalahatang estratehiya ng gobyerno upang ilapit ang mga magsasaka at mangingisda sa merkado para magkaroon ng mas mataas na kita.

Kabilang sa mga hakbangin ang pamumuhunan sa agri-fishery areas, clustering at konsolidasyon ng mga kooperatiba sa sektor.

Prayoridad din ng naturang proyekto ang pagpapatuloy ng pagtatayo ng mga farm-to-market road.

Nagkakahalaga ng P45.01-B ang Philippine Rural Development Project Scale-Up.

Mula sa nabanggit na kabuuang halaga ng proyekto, P33.00-B ay tutustusan sa pamamagitan ng official development assistance (ODA) loans mula sa World Bank, habang ang P5.57-B ay magmumula sa national government, at ang P6.44-B ay popondohan ng mga local government units (LGUs) at Farmers and Fisherfolk Cooperatives and Associations.

Inaasahan na aprubahan ng World Bank Board ang proyekto sa Hunyo 29, kasama ang loan signing na magaganap sa Hulyo.

Kapag naaprubahan ang loan, magsisimula ang pagpatutupad ng proyekto sa Agosto ngayong taon.

Inaasahang makikinabang sa PRDP Scale-Up ang humigit-kumulang 450,000 magsasaka at mangingisda at lilikha ng humigit-kumulang 42,000 bagong trabaho.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter