PCG todo-bantay sa mga beach resort ngayong Semana Santa

PCG todo-bantay sa mga beach resort ngayong Semana Santa

SA pagsisimula ng dagsa ng mga biyahero at pag-uwi ng mga tao upang gunitain ang Semana Santa, mas pinaigting ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang mga operasyon sa seguridad—hindi lamang sa mga pangunahing pantalan kundi pati na rin sa mga kilalang pook-bakasyunan at destinasyong dagat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon kay Commander Michael John Encina, deputy spokesperson ng PCG, masinsinan ang kanilang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, tanggapan ng Disaster Risk Reduction and Management, at mga barangay sa baybaying-dagat upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maagapan ang anumang insidente sa gitna ng pagdagsa ng mga bakasyunista.

“Kasama po sa mandato ng Philippine Coast Guard aside po sa pagka-conduct ng pre-departure inspection this coming Holy Week is to also inspect iyon pong ating major tourist spots, kasama na po iyong mga beach resorts natin at other areas po na ginagawan po ng recreational activity,” saad ni Commander Michael John Encina, Deputy spokesperson, PCG.

Sinabi ni Encina na malawak at masinsinan ang isinasagawang paghahanda ng PCG upang matiyak na magiging ligtas, maayos, at maaliwalas ang pagdiriwang ng mahal na araw para sa lahat ng bakasyunista at turista.

Kabilang sa kanilang binabantayan at iniinspeksiyon ang mga beach resort at iba pang recreational areas na aniya’y kailangang sumunod sa itinakdang safety standards. Bahagi ng kanilang tseklist ang pagkakaroon ng mga lisensiyadong lifeguard, sapat na medical clinics, at mga trained first aid responder sa lugar.

Ang hakbang na ito ay mahalaga upang matiyak ang mabilisang pagresponde sa anumang hindi inaasahang insidente—partikular na ang mga kaso ng pagkalunod— na siyang isa sa mga pangunahing binabantayan ng PCG tuwing panahon ng bakasyon.

“Ang Coast Guard through our maritime safety services units and offices is conducting ito pong tinatawag nating recreational service enforcement inspection. So, ngayon po halos karamihan po sa ating mga major or iyon pong mga dinadagsa ng mga turista ay ini-inspect po ng ating mga Coast Guard inspector,” ani Encina.

DICT, nagbabala sa online scams ngayong Semana Santa

Kaugnay pa rin ng paggunita sa Semana Santa, nagpaalala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa publiko na maging matalino at maingat sa paggamit ng online platforms at digital services—lalo na’t inaasahang maraming Pilipino ang maglalakbay, magbabakasyon, at gagamit ng internet para sa iba’t ibang transaksiyon ngayong bakasyon.

Ayon kay DICT Spokesperson Assistant Secretary Renato Paraiso, bahagi ng kanilang mandato ang malawakang information drive at educational campaign upang itaas ang kamalayan ng publiko—lalong-lalo na ngayong Holy Week kung kailan tumataas ang banta ng online scams at iba pang uri ng cybercrime.

Sa panahon ng mabilis na digitalization, giit ni Paraiso, dapat ding kasing higpit ng seguridad sa kalsada ang pagbabantay natin sa ating sarili online. Aniya, laganap na ang mapanlinlang na aktibidad sa internet—kaya’t hindi sapat na alerto lang, kailangang maging mapanuri at responsableng netizen ang bawat isa.

“Batid natin ngayong Holy Week na marami ang magbabakasyon kasama ang sa digitalization process natin, mga advisories when it comes to travel,” saad ni Asec. Renato Paraiso, Spokesperson, DICT.

Ipinunto ni Paraiso na talagang laganap o talamak na ngayon ang call, text, at online scams.

“Talagang lumalaganap na, base sa datos karamihan sa krimen nangyayari ngayon online na, even traditional crimes. Pero ang talagang nagiging problema ang online text scams na ito,” dagdag ni Paraiso.

Binigyang-diin ng opisyal ang inaasahang pagdami pa ng mga magbabakasyon at gagamit ng online banking at online payment platforms para sa kanilang mga transaksiyon.

Sa gitna aniya ng pagdagsa ng mga bakasyunista, mahalagang maging maingat sa paggamit ng digital services upang maiwasan ang anumang abala o problema.

“At advisories na rin, kasi maraming mapapagastos ngayon gagamit ang online banking at online payment platforms nila. ‘Yung mga pagbabantay sa online platforms ngayon at pagpapaalala sa ating mga kababayan.”

“Tatandaan natin mga kababayan, hindi tayo maloloko kung wala tayong participation. Kung hindi tayo nagpa-participate, halimbawa hindi natin iki-click ‘yung links na ito at hindi natin magbibigay voluntarily ng mga one-time password natin para magkaroon ng access ang scammers na ito sa mga financial records natin, financial platforms natin,” ani Paraiso.

Hinihimok ng DICT ang lahat na maging mapanuri sa kanilang mga transaksyon at i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang mga bangko o sa mga kaukulang ahensiya.

Sa panahon ng digitalization, ang pag-iingat at pagiging maalam sa paggamit ng mga online platforms ay mahalaga upang masiguro ang ligtas at masayang bakasyon ngayong Holy Week.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble