PANAHON na upang muling ipamalas sa buong mundo ang mga magagandang tanawin at kultura ng Mindanao sa buong mundo, ayon sa Department of Tourism (DOT).
Sa isang memorandum of agreement na nilagdaan ng DOT, Department of National Defense at Department of Interior and Local Government, titiyakin ang safety at security ng Mindanao upang mapasigla ang turismo sa rehiyon.
Nagsama-sama ang tatlong ahensiya ng gobyerno upang isulong ang Mindanao bilang isang mapayapang destinasyon para sa mga lokal at dayuhang turista.
Mula sa mga nagagandahang dagat at mga bulubundukin hanggang sa napakayaman na kultura at masasarap na pagkain, talagang hitik na hitik sa ganda at yaman ng kalikasan ang Mindanao.
Pero hindi maikakaila na dahil sa mga ‘misconception’ ukol sa safety at security sa Mindanao, nauudlot ang tuluy-tuloy na pag-usbong ng turismo ng rehiyon.
Iyan ang tututukan ng Department of Tourism (DOT), Department of National Defense (DND) at Department of Interior and Local Government (DILG) sa ilalim ng isang Memorandum of Agreement (MOA) na kanilang nilagdaan sa kauna-unahang Mindanao Tourism Covergence sa Zamboanga City.
Ang MOA ay nilagdaan nina Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco, Defense Secretary Carlito Galvez, Jr., na kinakatawan ni Undersecretary Angelito de Leon, at Interior Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr.
Ito ay upang palakasin ang inter-agency partnership para tiyakin na nauuna ang kapayapaan, seguridad, at kaayusan sa mga tourism program partikular na sa Mindanao.
Sa ilalim ng kasunduan, tulong-tulong ang tatlong ahensiya upang isulong at muling ipakilala ang rehiyon sa buong mundo bilang isang mapayapang tourist destination para sa mga lokal at dayuhang turista.
Ayon kay Secretary Frasco, malinaw ang intensiyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na bigyang prayoridad ang pagdevelop ng turismo ng bansa partikular na ang muling pagbubukas ng turismo ng Mindanao.
“At the beginning of the administration of President Ferdinand Bongbong Marcos Jr., he made very clear his intentions for the prioritization of tourism development in the Philippines, including and especially the reopening of Mindanao to tourism. As part of our commitment to the vision of our president, we have made strides towards the goal of fully reopening Mindanao to its tourism potential,” saad ni Secretary Christina Garcia-Frasco, Department of Tourism.
Dagdag ni Frasco na panahon na upang ipamalas sa buong mundo ang nagagandahang tanawin at kultura maging ang mga tao ng Mindanao.
“It is time to put to the fore the ethereal Mindanao beauty that has sometimes been relegated to the backburner, to highlight to the world its spectacular views, its wonderful and amazing culture as well as the warmth and love of the people of Mindanao. Time has come to fully promote your sites, your heritage, your culture, your people, and to reintroduce this region to the world,” ayon pa kay Frasco.
Ang nasabing MOA ay naaayon sa policy framework ng RA 9593 o Tourism Act of 2009.
Sa ilalim ng kasunduan, susuportahan ng DND ang kasalukuyang mga peace and security program ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamamagitan ng pagbibigay ng evaluation at rekomendasyon sa mga prospect na lugar para sa tourism development.
Sa parte naman ng DILG, titiyakin nito na may sapat na seguridad ang mga tourist destination sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga pulisya at pakikipag-ugnayan sa mga LGU upang mag-train ng mga police auxiliary forces.
Habang ang DOT ay responsable naman sa pagdevelop ng mga tourism circuit, pagbigay ng tourism product development sa mga umuusbong na destinasyon.
Nakatoka rin ang DOT sa pagbibigay ng mga training intervention program at livelihood assistance sa mga tourism community at workers.