NWRB, ipinako sa 52cms ang water allocation mula Angat Dam

NWRB, ipinako sa 52cms ang water allocation mula Angat Dam

IPINAKO sa 52 cubic meters per second (cms) ang alokasyon ng tubig ng Angat Dam para sa mga konsyumer sa Metro Manila.

Matapos inaprubahan ng National Water Resources Board (NWRB) ang kahilingan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para sa mga konsyumer sa buong buwan ng Hunyo.

Epektibo ito simula umaga ng Huwebes, Hunyo 1 – Hunyo 15.

Umaasa ang NWRB na magkakaroon ng sapat na panahon ang MWSS at mga konsesyonaryo na makumpleto ang mga ginagawa nitong rehabilitasyon at water recovery efforts.

Kung kaya, ito ang dahilan ng NWRB kung bakit inaprubahan muli ng board ang hirit na 52cms na dagdag na alokasyon ng tubig mula sa Angat Dam.

 “To augment yung water supply na pinagkukunan nila, and then to improve yung mga recovery sa mga leakage nila. So habang sinasagawa po iyon ay grinant po ng NWRB yung request na 52cms to prevent ‘yung mga water service interruptions,” ayon kay Dr. Sevillo David Jr., Executive Director, NWRB.

Alokasyon ng tubig sa Metro Manila, ibababa ng NWRB sa 50cms sa Hunyo 16-30

Ngunit, pagsapit ng Hunyo 16 – 30 ay ibababa na sa 50cms para sa domestic consumptions.

Habang bibigyan naman ng 40cms ang sa irigasyon.

Dagdag pa nito, nais din nilang bigyang-daan ang gagawing paghahanda sa inaasahang epekto ng El Niño phenomenon sa bansa kung kaya binawasan ito ng 2cms.

Punto niya, magiging maingat aniya ang NWRB sa alokasyon ng tubig para masiguro na sapat ang suplay sa water reservoir hanggang sa 2024.

 “Andiyan yung patuloy na pangamba ng El Niño by the end of the year, yung effect , yung impact sa water supply natin, baka maramdaman natin bago magtapos ang taon next year kasi nga baka may mas mababang pag ulan.”

“Baka po hindi maka-recover ng sapat yung Angat Dam so kailangan din po natin paghandaan,” dagdag ni Dr. Sevillo David Jr.

Water service interruptions, posible pagsapit ng Hunyo 16-30—MWSS

Pero ayon sa MWSS, posibleng magdulot ng water service interruption ang ginawang desisyon ng NWRB na iba sa 50cms ang alokasyon simula Hunyo 16.

Punto ni MWSS Division Manager, Engineer Patrick Dizon lumulubo na ang bilang ng mga konsyumer ng mga konsesyonaryo.

Kung kaya, posibleng hindi sasapat ang suplay ng tubig na maaaring magdulot ng putol-putol na water interruption.

Maynilad at Manila Water, tiniyak na gagawa ng hakbang upang maiwasan ang putol-putol na water interruption

Pero, gagawa umano ng hakbang ang Maynilad upang maiwasan ang water interruptions.

Tiniyak din ng Manila Water na walang silang nakikitang posibilidad na magkaroon ng water interruption kahit ibaba pa ng NWRB ang alokasyon sa 50cms.

“Sa ngayon wala pa tayong nakikita na posibilidad at kung sakali man meron tayong operational adjustments na isasagawa, pagbibigay alam naman natin ito,” ani David.

Follow SMNI NEWS in Twitter