SINIMULAN na ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang pag-alis sa mga pasahero ng unang security inspection sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Pagpasok pa lang ng mga pasahero sa main gate ng paliparan ay wala nang isasagawang pagsusuri sa mga bagahe nito, sa halip deretso na sila sa check-in counter.
Noon pahirapan sa mga pasahero na maraming bitbit na mga bagahe ang dumaan sa unang security inspection gamit ang X-ray machine.
Dahil sa ganitong sistema humahaba ang pila, pati na rin ang mga pasaherong naghahabol ng kanilang flight ay nababahala na baka sila ay maiwan ng eroplano.
Ang katulad ni Marian, Julius at Joel ay natutuwa sa pagkakaroon ng ganitong bagong sistema sa paliparan.
Para sa kanila iwas-stress para sa mga kagaya nilang maraming bitbit na mga maleta.
Pero kahit inalis na ang initial security screening, ang mahalaga dumaan ang mga pasahero sa final security screening.
Mula sa pagpasok ng mga pasahero sa paliparan dederetso na ito sa check in counter at pagkatapos pupunta na ito sa Immigration counter at ang susunod na hakbang ang final security screening.
Kung saan nakalagay ang mga high-tech X-ray machine, body scanner, at metal detector upang matiyak ang lahat ng mga pasahero ay dumaan sa mahusay na pagsusuri.
Ayon naman kay MIAA General Manager Cesar Chiong, bago muna napagdesisyunan na alisin ang initial security screening sa mga pasahero sa NAIA, pinag-usapan at pinag-aralan muna ito kasama ng Airport Security Committee, Airlines Company at iba’t ibang stakeholder.
Matatandaan nitong nakaraang linggo naitala na ang NAIA ay ika-3 sa mga pinaka-stressful na paliparan sa Asia at Oceania ayon sa data na nakolekta ng travel blog na Hawaiian Islands.
Ayon sa data, halos 58% ng mga pasaherong dumaraan sa NAIA ay nakararanas ng stress.
Ang Tan Son Nhat International Airport ng Vietnam ang nanguna bilang pinaka-stressful sa rehiyon na may 60.1% habang pumapangalawa ang Sydney Kingsford Smith International Airport sa Australia na may 59.0% ng mga review ng Google ay nagpapahiwatig ng stress.
Pero ayon kay Chiong, bago pa man lumabas ang isyu ay matagal nang pinagdesisyunan ang pag-alis sa naturang initial security screening.
Tiniyak din ni Chiong na hindi pa rin malalagay sa panganib ang seguridad ng paliparan at mga pasahero kahit inalis na ang unang security inspection sa mga pasahero.
Dahil tulong-tulong dito ang Office of Transportation Security (OTS) Philippine National Police-Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP), at ang Airport Police Department sa detalye ng security plan.
Samantala, dahil sa papalapit na holiday season tumataas na rin ang pagdagsa ng mga pasahero sa NAIA.
Pag naging successful ang itong ginawang dry run sa pag alis ng initial security screening ay ipapatupad naman ito sa mga susunod na 2 linggo sa NAIA Terminal 2, 3 & 4.