Pilipinas, makararanas ng patuloy na pag-ulan dahil sa amihan, shear line

PATULOY na makararanas ang maraming lugar sa Pilipinas ng maulap na kalangitan na may mga pag-ulan ngayong araw ng Miyerkules.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog ang Visayas, Mindanao at Palawan dahil sa shear line o ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ).

Samantala, magdadala ang amihan ng maulap na kalangitan at mahinang pag-ulan sa Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Ifugao, Mountain Province, Aurora, Quezon, Bicol Region, at MIMAROPA.

Inaasahang magkaroon ng bahagyang maulap at maulap na kalangitan na may hiwa-hiwalay na mahinang pag-ulan sa Metro Manila at sa iba pang bahagi ng Luzon dahil sa amihan.

Katamtaman hanggang sa malakas na hangin ang iihip sa Luzon, Visayas, at sa silangang bahagi ng Mindanao na may katamtamang pag-alon ng karagatan.

Mahina hanggang sa katamtamang hangin naman ang mararanasan sa iba pang bahagi ng Mindanao na may mahinang pag-alon ng karagatan.

Ang mababang temperatura ay 23.1°C at may pinakamataas na temperatura na 29.2°C.

SMNI NEWS