PATULOY na makararanas ng pag-ulan ang maraming lugar sa bansa dulot ng shear line at amihan ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Kabilang sa makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan ang mga probinsiya ng Bicol, Eastern Visayas, Quezon, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Aklan, Capiz, Dinagat, at Surigao.
Ayon sa PAGASA, posibleng magkaroon ng pagbaha at pagguho ng lupa sa panahon ng katamtaman at malakas na pag-ulan.
Magdudulot din ng mahinang pag-ulan ang amihan sa Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Ifugao, Mountain Province, at Aurora.
Kabilang din sa makararanas ng kalat-kalat na mahinang pag-ulan ang Metro Manila, Ilocos Region, central Luzon, at ibang bahagi ng Cordillera Administrative Region at Region 4-A.
Makaranas din ang ibang bahagi ng bansa ng hiwalay na pagbuhos ng ulan dahil sa localized thunderstorms.
Katamtamang lakas ng hanging at katamtamang pag-alon ng dagat ang aapekto sa Luzon, Visayas at silangang bahagi ng Mindanao.
Malakas na ihip ng hangin ang mararanasan sa hilagang Luzon, silangang bahagi ng baybayin ng Central Luzon, silangang bahagi ng baybayin sa timugang bahagi ng Luzon at Visayas, kanlurang bahagi ng baybayin ng timog Luzon, at ng silangang bahagi ng babayin ng Mindanao.
Inabisuhan na iwasang pumalaot ang mga mangingisda at iba pang maliliit na bangka habang pinayuhan namang maging alerto ang mga malalaking bangka dahil sa malalaking alon.
Samantala, huling namataan ang tropical depression (TD) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na may layong 1,830 kilometro sa silangang bahagi ng Mindanao.
May posibilidad na maging severe tropical storm ang TD kapag ito’y makapasok sa PAR ayon sa PAGASA.