Planong privatization ng EDSA Busway, posible na ngayong 2024

Planong privatization ng EDSA Busway, posible na ngayong 2024

ISANG kompanya na ang nagpahayag ng interes para sa planong privatization sa EDSA Busway.

Ito ang kinumpirma ni Transportation Secretary Jaime Bautista nang makapanayam ng SMNI News Team.

Pero, ‘yun nga lang bigo pa nitong maibahagi ang pangalan ng malaki umanong kompanya.

Ang planong pagsasapribado sa EDSA Busway ay makatutulong aniya na mapaganda pa ang serbisyo para sa komyuter.

‘‘So, we have engaged a consultant to prepare the terms of preference para katulad sa ginawa natin sa NAIA, originally mayroong unsolicited proposal but the government decided to make it a solicited one para ‘yung terms ay ang terms na gusto ng gobyerno na talagang makikinabang ‘yung gobyerno at makikinabang ‘yung mga mananakay,’’ ayon kay Sec. Jaime Bautista, DOTr.

Sa oras na pribadong isang kompanya na ang mangangasiwa sa EDSA Busway, ay kailangan pasok sa standard ng ahensiya ang gagawing pagbabago.

‘‘Dapat magkaroon ng isang standard na dapat lahat ng pintuan ay nasa left side bumaba ‘yung mga pasahero, the left side of the bus. Gagawin din natin na hindi masyadong tumaas ‘yung mga step para hindi mahirapan ‘yung mga pasahero lalo na ‘yung mga senior, ‘yung mga person with disability. So, gagawin natin na accessible and comfortable but also at the same time kapag efficient ‘yung takbo, itong busway ay mababawasan ‘yung traffic, mas maraming sasakay na pasahero at magiging profitable ‘yung operations whoever will operate it,’’ ayon pa kay Sec. Bautista.

Posible rin aniya na mas mababa pa ang singil sa pamasahe dahil magkakaroon na ito ng tamang dispatch system, complete management, at tamang maintenance system.

Sa tanong kung posible na kayang maisakatuparan ang EDSA Busway Privatization, sagot ng opisyal.

‘‘Oh yes, yes,’’ ani Bautista.

Samantala, kinuwestiyon naman ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang planong pagsasapribado sa EDSA Busway.

Sinabi ni Atty. Ariel Inton, presidente ng grupo na pribado naman talaga ang nangangasiwa sa EDSA Busway tulad ng mga private bus operator.

Hindi rin ito kumbinsido sa pahayag ng kalihim na mas magmumura ang pamasahe kung ito naman ay hahawakan na ng isang pribadong kompanya.

‘‘Sinong private company ang susugal diyan na sasabihin na mas mababa pa ang pasahe, isho-shoulder na naman ng gobyerno ‘yan,’’ saad pa ni Atty. Ariel Inton, President, Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP).

‘‘Bakit, nagkaroon na ba ng fare matrix doon? Ang ibig na mas mura ‘yung present fare diyan sa carousel ay mas mababa, how can they do that, pinaliwanag ba nila ‘yun? Isn’t going subsidize by the government?’’ dagdag pa nito.

Ipinunto pa ni Inton, nahinto nga ang pagpapatupad ng libreng sakay at hindi rin maayos ang pagbibigay ng diskuwento sa pasahero sa EDSA Carousel.

‘‘Samantala, ngayon nga di ba hininto nga ang libreng sakay at ‘yung proposal na discounted hindi nga tuluy-tuloy, walang natuloy doon,’’ ayon pa kay Inton.

Kailangan aniya pang pag-aralan ng DOTr ang kanilang plano na bukod na makabenipisyo ang mga pasahero ay hindi rin kawawa ang mga bus operator na bumabiyahe sa EDSA Busway.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble