MAKAKAPAL na dokumento ang dala-dala ng Philippine National Police-Anti-cyber Crime Group (PNP-ACG) sa naging unang araw ng preliminary investigation sa Department of Justice (DOJ).
Ito ay para sa kanilang pagpresenta ng mga ebidensiya laban sa limang Chinese national na inaresto noong Hunyo matapos ang kanilang operasyon sa isang POGO hub sa Las Piñas.
Ito’y matapos silang sitahin ng DOJ sa kakulangan ng ebidensiya bago nila gawin ang operasyon at ang pag-aresto sa mga respondents.
Matatatandaan na pinasok ng mga awtoridad ang naturang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub dahil umano sa human trafficking.
Ang abogado ng limang Chinese nationals nabigla sa 60 affidavits na inihain ng mga pulis.
Dahil dito humingi sila ng extension para mapag-aralang mabuti ang mga iihaing counter affidavit.
Maliban dito, challenge din umano ang pagkuha ng salaysay mula sa mga Chinese national bago sila makapaghain ng tamang sagot sa mga alegasyon.
Maliban sa paghahain ng counter affidavit ay inaasikaso ngayon ng mga abogado ang inihaing habeas corpus para sila ay mapalaya na.
Sa Agosto 9 ay muling magkakaroon ng pagdinig ang Department of Justice (DOJ) kung saan inaasahan ay makapaghahain na ng kontra salaysay ang mga respondent.