DISMAYADO ang liderato ng Philippine National Police (PNP) sa mga insidente na kinasangkutan ng kanilang mga tauhan na nagdulot ng negatibong impresyon sa organisasyon.
Sa panayam ng media, sinabi ni PNP Public Information Office chief Police Brigadier General Redrico Maranan na ipinag-utos na ni PNP chief Police General Benjamin Acorda, Jr. ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon sa mga insidente.
Partikular na aniya ang pamamaril ng isang pulis sa loob ng Taguig City Police Station, ang pagkakapatay ng mga pulis sa isang binata sa Navotas, at ang kwestiyunableng drug operations sa Cavite.
Ayon kay Maranan, tiniyak ni General Acorda na hindi niya kukunsintehin kung nagkamali ang kanilang mga tauhan.
Gumagawa na aniya ng paraan ang PNP upang maitama ang pagkakamali o hindi nasunod na proseso ng mga pulis.
Umaasa naman si Maranan na magsisilbing eye opener sa mga pulis ang mga insidente upang mahigpit nilang sundin ang inilatag na protocol.