PNP iniimbestigahan ang mga pekeng EJK victim

PNP iniimbestigahan ang mga pekeng EJK victim

SA pangunguna ng Anti-Cybercrime Group (ACG) ay sinimulan na ang masusing imbestigasyon laban sa mga indibidwal at grupong nasa likod ng pagpapakalat ng maling impormasyon ng mga pekeng EJK victims na pilit isinasangkot si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ilang larawan at testamento ang lumabas kung saan ipinakikita ang mga umano’y pamilya ng mga biktima ng EJK. Ngunit nang siyasatin, ilan sa mga ito ay walang kaugnayan sa War on Drugs at hindi naman biktima ng karahasan noong nakaraang administrasyon.

Kapansin-pansin na halos sabay-sabay na naglabasan ang mga grupo at indibidwal.

Sa panayam nga kay PNP Public Information Office Chief Col. Randulf Tuano, isinumite na nila ang mga ebidensiya sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para sa mas malalim na pagsisiyasat.

“Opo, kausap ko si Gen. Bernie Yang kanina. Kasama ‘yan sa mga iniimbestigahan nila na katunayan ibinigay na nila sa director ng CIDG… Ang isang picture na kumakalat ay insidente na nangyari noong nakaraang taon lamang, at ang sinasabing biktima ay pinatay ng kapwa adik. Lahat ‘yan kasama sa report na isusumite ni Director ACG kay Director CIDG for his appropriate actions,” pahayag ni Col. Randulf Tuano, Chief, Philippine National Police – Public Information Office.

Isa sa mga kontrobersiyal na lumitaw ay si “Aling Shiela,” na may bitbit na larawan ng kaniyang anak na umano’y biktima ng EJK.

Ngunit nadiskubre na noong 2024 lamang ito namatay—hindi sa ilalim ng Duterte administration—bagkus dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga, pagnanakaw, at iba pang krimen sa panahon ng Marcos Jr. administration.

Sa isang viral video, makikitang sumasabay si Aling Shiela sa panawagang panagutin si dating Pangulong Duterte. Ngunit ayon sa PNP, hindi ito palalampasin—siya at ang iba pang mga grupo na sangkot sa pagpapakalat ng maling impormasyon ay maaaring masampahan ng kaso.

“Kasama ‘yan sa ibinigay ni Director ACG sa kanyang legal officer na magco-confer sa legal officer ng CIDG para sa mga kaukulang kaso, kung may dapat kasuhan,” giit ni Tuano.

Bukod kay Aling Shiela, patuloy ring nagkakalat ng iba’t ibang memes at fake news na pilit iniuugnay sa dating Pangulo. Ngunit iginiit ng PNP na hindi nila hahayaang magamit ang kasinungalingan upang linlangin ang publiko.

“Tama. Lahat ‘yan, inisa-isa kay Director ng ACG—kasama na diyan ang lumalabas na memes at fake news tungkol kay FPRRD. Binigay lahat ni Director ACG kay Director CIDG for his appropriate actions” giit nito.

Habang patuloy na nag-iingay ang mga nagpapanggap na biktima ng EJK, mas lumilinaw rin ang layunin nila—ang baluktutin ang katotohanan para sa pansariling interes.

Ngunit sa pagsisiyasat ng PNP, walang kasinungalingang hindi mabubunyag, at walang manipulasyong hindi mabubuwag.

Sa huli, mananatiling matibay ang hangarin ng batas na ipagtanggol ang katotohanan laban sa mga mapanlinlang na propaganda.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble