PNP, tinanggap ang hamon ni FPRRD sa mga tiwaling pulis—PNP PIO

PNP, tinanggap ang hamon ni FPRRD sa mga tiwaling pulis—PNP PIO

MABILIS na tinanggap at pinaboran ng Philippine National Police (PNP) ang hamon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga kapulisan na magbitiw na lamang sa puwesto kung hindi nito kayang pangatawanan ang kanilang mga trabaho.

Sa panayam ng SMNI araw ng Huwbes, Hunyo 1, 2023 kay PNP Public Information Office chief Police Brigadier General Redrico Maranan, pabor siya sa tinuran ng dating presidente at hindi naman aniya dapat na manatili ang mga tiwaling pulis na ito upang hindi makasira sa imahe ng kanilang organisasyon.

“Well, sinusuportahan natin ‘yung pahayag ng ating dating Pangulo na ‘yung mga pulis na hindi magtatrabaho, hindi ginagawa ang kaniyang trabaho at hindi kayang tuparin ang kaniyang sinumpaang tungkulin ay dapat hindi na manatili sa organization sapagkat sa PNP Organization ay dapat ang nananatili lamang dito sa loob ng organisasyon ay ‘yung magtatrabaho at handang tumalima sa aming sinumpaang tungkulin,” saad ni PBGen. Redrico Maranan, Chief, PNP-PIO.

Sa kaniyang programang “Gikan sa Masa Para sa Masa” sa SMNI kasama si Pastor Apollo C. Quiboloy, galit ang dating pangulo dahil sa paglipana ng mga krimen sa panahon ngayon.

Dismayado si Duterte dahil sa kabila aniya ng mataas at dobleng sahod ng mga kapulisan, hindi pa rin matigil na masangkot sa ilegal na gawain ang mga ito kasabay ng muling paglipana ng mga krimen sa bansa.

Aminado rin ang dating pangulo na isang malaking pagsasayang lamang ng pera ng taumbayan ang pagbibigay ng sahod sa mga pulis na wala namang ginagawa o hindi man lang gumagalaw sa kanilang mga opisina o presinto

Para sa PNP, ipinagpapasalamat naman nila ang tulong na ito ng dating Pangulo sa kanilang hanay, kasabay ng pangako na hindi sila tumitigil sa paglilinis sa kanilang organisasyon sa abot ng kanilang makakaya.

“Unang una, nagpapasalamat po tayo sa dating Pangulong Duterte sapagkat tumaas ang aming sahod at ‘yung mga benepisyo na dapat maibigay sa ating mga kapulisan ay naibigay niya at tumatanaw tayo ng utang na loob sa kaniya at tayo’y nagpapasalamat.”

“Tuluy-tuloy naman ang ginagawa nating pagbi-vet doon sa ating mga pulis, tuluy-tuloy ang ating background investigation, tuluy-tuloy na gumagana ‘yung ating disciplinary machinery. Sa katunayan may nadi-dismiss tayong mga pulis, may mga sinusupendi tayo, may mga tinatanggalan tayo ng pribilehiyo. So, hindi po tumitigil ang ating kapulisan sa pagdisiplina sa ating mga miyembro,” ayon pa kay Maranan.

Samantala, sa isa pang eksklusibong panayam ng SMNI, maging ang aktor na si Philip Salvador na kilalang supporter ng dating pangulo, hindi nito napigilan na madismaya sa mga nangyayari aniya ngayon dahil sa pagbalik ng mga kriminal sa lansangan.

Aniya, tila malaking kabaligtaran ang mga nangyayari ngayon hindi kagaya noong panahon ng Duterte administration bagamat wala naman aniya siyang sama na loob kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Sa huli, muling nilinaw ng PNP na pilit nilang ginagawa ang lahat na baguhin ang sistema ng kanilang organisasyon dahil na rin sa mga nagdaang kontrobersiya na kinasasangkutan ng kanilang hanay.

“Isa sa 5 Focused Agenda ng ating Chief PNP na si General Acorda ay ‘yung integrity enhancement, gusto niya na gumanda ang imahe ng kapulisan sa pamamagitan ng aggressive and honest law enforcement operation at sa patuloy na pagsala doon sa mga maa-assign diyan sa mga illegal drug units at patuloy din na pinapalakas ‘yung ating integrity monitoring enforcement group ay ‘yung ating internal affairs service nang sa gayon ay maayos natin at mailagay natin sa tamang disiplina ang iilang mga pulis natin na naliligaw ng landas,” ani Maranan.

Follow SMNI NEWS in Twitter