PRA, nilinaw na 2 lamang na reclamation projects sa Manila Bay ang inaprubahan

PRA, nilinaw na 2 lamang na reclamation projects sa Manila Bay ang inaprubahan

NAGTALA ang Philippine Reclamation Authority (PRA) ng 22 reclamation projects sa buong bansa.

Sa bilang na ito, 13 reclamation projects ang nasa Manila Bay na sakop ng Region 3, National Capital Region (NCR), at Region 4-A.

Sinabi ni Atty. Joselito Gonzales ang Assistant General Manager for Technical & Land Development ng PRA, na mula sa 13 proyekto sa Manila Bay, ay dalawa lamang ang inaprubahan ng pamahalaan na ipagpatuloy at matatagpuan ito sa lokal na pamahalaan ng Pasay.

Kaugnay rito, siniguro umano ng PRA na masusi ang pag-aaral ng ahensiya lalo na sa impact o epekto ng mga proyektong ito partikular sa kalikasan.

Lalo aniya’t dumanas ang Metro Manila ng matinding pagbaha dala ng hanging Habagat na pinalakas ng Bagyong Carina.

“Iyan ang mahigpit naming tinututukan na lahat ng proyektong reclamation ay dumaan sa masusing pag-aaral bago aprubahan ng ahensiya,” ayon kay Atty. Joselito Gonzales, Asst. GM for Technical & Land Dev’t., PRA.

Samantala, ibinahagi ni Atty. Joseph John Literal, Asst. General Manager for Reclamation ng PRA na may mga hakbang din na ikinokonsidera ng ahensiya bago ituloy ang isang reclamation project.

Aniya, kasama ang feasibility study sa mandatory requirements ng PRA para maaprubahan ang isang reklamasyon.

Kabilang din ang environmental compliance certificate mula sa Department of Environment and National Resources (DENR), area clearance na mula rin sa DENR, at ang hydrodynamic modeling.

“Iyong hydrodynamic modeling, ito ‘yung hydrodynamic and morphologic studies. Ito po ‘yung nagsesentro sa epekto ng coastlines sa affected communities. Kaya kung wala ang isa sa apat na iyon, hindi maaring aprubahan ng PRA ang isang reclamation projects,” ani Gonzales.

Ang PRA ang nagbibigay ng go signal para makapaggawa ng reclamation activities ang isang lugar.

Matatandaang sinisi ng ilang senador ang Manila Bay Reclamation Projects kung bakit nagkaroon ng malawakang pagbaha sa Metro Manila nang humagupit ang Habagat at Bagyong Carina.

Anila, dahil sa reklamasyon, hindi na makalabas ang tubig-baha mula sa lungsod papunta sa dagat.

Kaugnay rito ay pinasaringan na rin ng ilang mambabatas ang P1-B a day na budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa flood control projects.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble