BUMABA ng P2 bawat kilo ang retail price ng well-milled rice ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG).
Sa kasalukuyan ay nasa P52/kilo na ito kumpara sa nagdaang P54/kilo.
Ibig sabihin nito ayon kay SINAG Chairman Rosendo So, magkakaroon pa ng pagbaba sa presyo ng imported rice 15 araw mula ngayon.
Sa buwan ng Marso ay aasahan na mas bababa rin aniya ang presyo ng bigas dahil kasagsagan na ito ng anihan ng lokal na palay.
Samantala, nakikita ng SINAG na hindi magkakaroon ng kakulangan sa palay production sa gitna ng nararanasang El Niño.
Mas marami anila ang mga magsasaka na nagtanim ngayong crop season kung kaya’t dahil mas marami ang sakahang may pananim, sakaling may pagbaba ng produksiyon sa isang bahagi ay mapupunan lang din.
Hinihikayat ng SINAG na huwag itigil ang pagpapatupad ng taripa sa imported rice dahil malaki ang ambag ng koleksiyon mula dito sa mga lokal na magsasaka.