Presyo ng itlog, tataas pa sa Disyembre; Inflation rate, bumilis pa sa 4.4%—PSA

Presyo ng itlog, tataas pa sa Disyembre; Inflation rate, bumilis pa sa 4.4%—PSA

INAASAHANG tataas pa ang presyo ng karneng manok at itlog hanggang sa buwan ng Disyembre, na nag-aambag sa pagbilis ng inflation ayon sa Philippine Egg Board Association (PEBA).

Pancit canton with egg – ‘yan ang negosyo ni Ate Janeth.

‘Yun nga lang hindi sapat ang kaniyang kita sa buong araw na pagtitinda dahil sa sobrang mahal ng bilihin.

Ang ka-partner kasing itlog sa pancit canton ay walang humpay sa pagtaas ng presyo.

Umaabot na sa P7.25 ang pinakamurang itlog o ang small size nito habang halos P9 na rin sa pinakamahal o jumbo size.

‘‘Hindi kaya sa isang araw ‘yung gastos at tsaka hindi lang kami ‘yung may panindang ganyan kasi may kapitbahay din kaming nagtitinda ng ganyan. Iniisip ko rin ‘yung mga customer kasi baka mawalan kami ng customer,’’ ayon pa kay Ate Janeth.

Paliwanag ng ilang nagtitinda ng itlog sa Mega Q Mart ay magdi-depende sila sa presyo ng kanilang mga kinukuhanang supplier.

‘‘Tumataas kasi ‘yung itlog namin depende sa kinukuhanan ni boss, kapag mataas ‘yung kinukuhanan ni boss tumaas din kami para hindi kami malugi,’’ ayon naman kay Felix Waberina, tindero ng itlog.

Nananatili ring mataas ang presyuhan ng karneng manok sa ilang pamilihan sa Metro Manila.

P140 – P150 kada kilo lang noon ang bentahan ng manok ni Kuya Elmer pero ngayon ay nananatili na itong nasa P200/kg.

Kailangan niyang magtaas ng presyo kahit papaano para makabayad rin sa renta sa puwesto, sa tao, kuryente, at tubig.

‘‘Ang laki ng itinaas simula noong nagba-bagyo. Ang laki rin ng perwisyo sa amin na nagtitinda. Hindi ka makapagtaas kapag mataas ang kuha mo. Dati nakakapagpakatay pa ako ng 200, ngayon nakakapagpakatay ka na lang ng 100, minsan naman ay 50 na lang,’’ pahayag naman ni Elmer Morales, tindero ng manok.

Ayon sa PEBA, nagbawas ng produksiyon ang ilang layer farms matapos malugi noong unang kwarter ng 2024.

Nakaapekto rin sa kakulangan ng suplay ng itlog ay panahon ng tag-ulan kung saan maraming layer farms ang binaha gayundin ang mahal na presyo ng mais na ginagamit na patuka sa mga alagang manok.

‘‘Yun ang nakakaapekto sa atin ngayon dahil tumaas naman ang demand. Pangalawa ay may contribution pa rin ‘yung pabago-bagong panahon ang result nito ay ‘yung mga disease in general. May challenge tayo sa mga disease at toxins level sa ating mga raw materials na ginagamit sa ating mga animal feeds. Ang resulta nun ay ang pagbagsak ng production,’’ ayon kay Francis Uyahera, President, Philippine Egg Board Association.

Pero, mas higpitan pa aniya ang sinturon dahil inaasahang magtutuluy-tuloy pa ang pagtaas sa presyo ng itlog hanggang Disyembre.

‘‘The current price monitoring ngayon ng medium size egg ito ‘yung ginagamit nating benchmarking egg signages ‘yung medium size. Ito ay naglalaro na ito sa P6.80 hanggang P7.20 per piraso. Ito na ‘yung presyo noong December last year which is ‘yun na ‘yung recorded na pinakamataas na presyo.’’

‘‘Mataas ‘yung probability na mas mataas this year ang maging presyo ng itlog compared last year,’’ dagdag pa ni Uyahera.

Ang presyuhan ng manok ngayong buwan ng Agosto ay hindi nalalayo sa presyuhan nitong Hulyo.

Sa katunayan, naitala nga ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang 4.4% na inflation rate ng Pilipinas nitong Hulyo mas mataas ‘yan kumpara sa 3.7% noong Hunyo ng taon.

Kabilang sa may ambag ng pagbili ng inflation ay pagtaas ng bilihin partikular na ang manok at itlog.

Ayon sa PSA, may epekto sa pagtaas ng presyo ng bilihin ang mga pag-uulan dahil sa masamang panahon.

‘‘May impact talaga siya sa agricultural commodities kaya nakita natin na isa sa mga nag-contribute sa inflation. Puwede nag-start na ‘yung impact but ‘yung expectations of course normally naman sa ating historical data na pagkatapos ng typhoon ay tumataas ‘yung presyo,’’ ayon kay Usec. Dennis Mapa, National Statistician and Civil Registrar, General, PSA.

Para sa PEBA kailangan nang madaliin ng Department of Agriculture (DA) ang pagtugon nito para hindi lalong mahirapan ang mga nasa sektor at maging ang mga konsyumer.

‘‘Ako ay nananawagan sa FDA and with coordination din sa BAI sa kung papaano mapapabilis pa ang availability ng ating bakuna sa ating mga stakeholder at sa ating farm producers, if they can do something about it na mapabilis significantly ‘yung availability ng AI vaccine para sa ating mga producer. Ito ay malaking tulong or establish ‘yung ating suplay and for food safety,’’ saad pa ni Uyahera.

‘‘Kagaya nung sa ASF vaccine, katuwang natin diyan ay ang FDA ay para masigurado na ‘yung vaccine natin ay talagang safe and effective, ‘yung efficacy trial ay masunod. While we are speeding up things we are also trying to ensure ‘yung all protocols and safety and efficacy protocols are being followed,’’ tugon naman ni Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

Sa ngayon, may ginagawa na aniyang clinical trial sa bakuna kontra bird flu pero hindi pa masabi kung ito na ba ay pinal na gagamiting bakuna para sa mga alagang manok.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble