NAGSAGAWA ng isang random surprise drug test ang Police Regional Office (PRO) 13 upang malaman agad ang resulta kung positibo o negatibo sa ipinagbabawal na droga ang hanay ng mga pulis.
Sa panayam ng media kay PBGen. Kirby John Kraft, Regional Director ng PRO-13, sinabi nito na sa kauna-unahang pagkakataon mula nang siya ay itinalagang lider ng PRO-13 ay nagsagawa ito ng surprised random drug test.
Ayon kay Kraft, nagsagawa sila ng random drug test sa 46 na mga opisyal mula sa Regional Director hanggang sa Provincial Chief Support Unit.
Sinabi rin ni Kraft na sa isinagawang surprised drug test ay maaari malaman agad ang resulta kung positibo o negatibo sa ipinagbabawal na droga ang mga ito.
At binigyang-diin na kung may magpositibo sa ipinagbabawal na droga ay mayroong kaukulang parusa gaya ng pagtanggal sa kanilang sinumpaang serbisyo.
Dagdag pa ni Kraft na hindi lang ang mga matataas na opisyales ang sasailalim sa drug test kundi maging ang lahat ng mga tauhan ng PRO-13.
‘‘Actually kina-conduct po natin ‘yan sa lahat so wala po ‘tong pinipili, Patrol Man ka man, Kernel ka or Kapitan, Major hanggang Heneral, so lahat po, ma-drug test po natin,’’ ayon kay PBGen. Kirby John Kraft.