Proof of life sa nawawalang beauty queen sa Batangas, hindi pa rin malinaw—PNP

Proof of life sa nawawalang beauty queen sa Batangas, hindi pa rin malinaw—PNP

SA kabila ng sunud-sunod na mga impormasyong nakukuha ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon sa Batangas noong buwan ng Oktubre, nananatili pa ring mailap sa mga ito kung may buhay pa o nasa maayos na kalagayan pa rin hanggang ngayon ang biktima.

Sa pulong balitaan sa Kampo Krame, kinumpirma mismo ng tagapagsalita ng PNP na si PCol. Jean Fajardo na maging sila ay walang ideya kung nasaan ngayon si Catherine, bagama’t tuluy-tuloy naman aniya ang pakikipag-ugnayan ng mga awtoridad sa mga posibleng ebidensiya na makatutulong sa kaso.

Giit ng PNP, hangga’t walang patunay na walang buhay ang biktima ay saka lamang nito kukumpirmahin ang report, sa halip hindi sila tumitigil sa pangangalap ng mga mahahalagang impormasyon na makapagtuturo sa kinaroroonan ni Catherine.

Nauna nang ikinatuwa ng PNP ang maayos na kooperasyon na ibinibigay ng pamilya ni Catherine para sa mabilis na paghahanap sa nawawala nilang kaanak.

Oktubre 12, 2023 nang huli itong namataan sa Batangas City bago ito idineklarang missing.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter