Proseso ng pautang sa mga transport cooperative, dapat pabilisin ng Land Bank—LTOP

Proseso ng pautang sa mga transport cooperative, dapat pabilisin ng Land Bank—LTOP

DISMAYADO ang Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) sa usad-pagong na transaksiyon sa isang government loan bank – ang Land Bank of the Philippines.

Partikular na inireklamo ng mga franchise owner, transport cooperative at korporasyon sa ilalim ng LTOP ang mabagal na pag-proseso ng Letter of Guarantee (LOG) ng bangko na magiging basehan para makautang ang mga Public Utility Vehicle (PUV) operator.

Sinabi ni LTOP President, Lando Marquez na inaapura na ng transport groups ang pag-modernize ng kanilang mga unit.

“Pabilisan nila na ang tagal ng naisyuhan ng Alternative Certificate. Ito ‘yung proseso sa LTFRB na kailangan bago mo dalahin sa Land Bank para isyuhan ka ng LGO. Eh, nilulumot na doon sa Land Bank na hanggang ngayon ay hindi pa narerelease,” pahayag ni Lando Marquez, President, LTOP.

Hindi na aniya ito dapat pang patagalin ng bangko dahil maaantala ang pagbili ng mga modernize unit ng mga transport cooperative para sa ipinapatupad ng PUV Modernization Program ng gobyerno.

Sa oras nga aniya na mabigo ang Land Bank na maibigay ang kanilang kahilingan ay apektado ang paghahatid nila ng serbisyo.

“Hindi natin maide-deliver ‘yung tinatawag na tamang serbisyo sa mamamayan ‘yung tinatawag na kumbinyente,” ayon kay Lando Marquez, President, LTOP.

Sa ilalim ng PUVMP ay maaaring umutang ang mga kooperatiba at korporasyon sa dalawang bangko tulad ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines para makabili ng modernong jeep na nagkakahalaga ng P2.5-M kada unit.

Huhulog-hulugan ng mga ito ang kanilang utang sa loob ng ilang taon.

Sa ngayon, aabot na sa higit 165 transport groups ang napautang na ng Land Bank habang ang DBP naman ay nakapaglabas na ng P9-B para sa naturang programa.

Sinubukan ng SMNI News na makuha ang reaksIyon ng Land Bank hinggil sa inireklamo ng grupong LTOP.

Matatandaang pinalawig ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang PUV franchise consolidation hanggang sa Abril 30 ng taon.

Ito ay para mabigyan ng pagkakataon ang iba pang PUV operator na makasali sa programa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble