PRRD, inatasan ang mga ahensya at LGUs para sa kahandaan sa Bagyong Odette

INATASAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ahensya ng pamahalaan at local government units (LGUs) na tiyakin ang kahandaan kaugnay ng Bagyong Odette.

Pinaalalahanan ni Pangulong Duterte ang publiko na makipagtulungan sa national at local authorities kung kinakailangan na ang paglikas o iba pang kaukulang aksyon para maging ligtas mula sa inaasahang pananalasa ng bagyo.

“Iyong dadaanan ng bagyo lumalabas diyan sa news — newspaper pati sa TV. All you have to do is to watch TV and makita mo ‘yung trajectory, ang takbo ng bagyo. So kung malapit kayo diyan, medyo umalis na muna kayo, especially if the PAGASA, the weather bureau would say umalis kayo diyan sa lugar na ‘yan kasi diyan tatama. Iyong precautions, anuhan lang ninyo, sundin lang ninyo,” pahayag ni Pangulong Duterte.

Inatasan naman ng Punong-Ehekutibo ang mga ahensya ng gobyerno maging ang LGUs na tiyakin ang mahigpit na pagmononitor sa sitwasyon at isagawa ang lahat ng kaukulang paghahanda at pag-iingat.

“So wala sigurong biyahe ngayon. I direct our government agencies and LGUs as well as to urge our countrymen, especially those who are on or near its projected path, to keep monitoring the situation and conduct all necessary preparations and precautions,” ani Pangulo.

NDRRMC, nananawagan sa publiko na maghanda sa Bagyong Odette

Una nang inanunsyo ng Malakanyang na naghahanda na rin ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pamamagitan ng pakikipagkoordinasyon sa regional at local DRRMC upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Muling pinaaalalahan ang publiko na maghanda sa epekto ng binabantayang tropical depression sa labas ng bansa na inaasahang papasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at papangalanang “Odette.”

Pinag-iingat naman ang mga apektadong lugar sa banta ng pagbaha, pagguho ng lupa, at mga panganib na maaaring dulot ng malakas na hangin dulot ng bagyo.

Inaabisuhan din ang mga mangingisda at sasakyang pandagat na iwasan nang pumalaot dahil sa mapanganib na kondisyon ng dagat.

Paulit ulit ang paalala ng pamahalaan sa publiko na patuloy ang gagawing pag-iingat, pag-antabay sa ulat panahon at pagsunod sa mga abiso ng awtoridad.

Sa tala nitong Disyembre 12, mayroong nakahandang available na stockpiles at standby funds ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa disaster response.

SMNI NEWS