QC LGU, int’l organizations nagkaisa vs online sexual abuse and exploitation of children

QC LGU, int’l organizations nagkaisa vs online sexual abuse and exploitation of children

NAGKAISA ang Quezon City–LGU at international organizations upang labanan ang online sexual abuse at child exploitation.

Ayon sa Mission Alliance Philippines (MAP), ang Pilipinas ay isang global hotspot para sa online sexual abuse at exploitation of children.

Sa isang 2022 national study sa Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) sa Pilipinas, lumilitaw na 80% ng mga batang Pilipino ay vulnerable sa online sexual abuse.

Bukod pa rito, batay sa 2022 Disrupting Harm Study na isinagawa ng UNICEF, ECPAT International, at Interpol, isiniwalat nito na 20% ng mga batang Filipino na gumagamit ng Internet ang naging biktima ng OSAEC.

Ito ay kumakatawan sa dalawang milyong bata, na may edad 12-17.

Bilang tugon sa nakababahala na pagtaas ng bilang ng ‘online sexual abuse and exploitation of children cases’ sa Pilipinas, ang Quezon City Government ay nakipagsanib-puwersa sa Mission Alliance Philippines (MAP),  Center for the Prevention and Treatment of Child Sexual Abuse (CPTCSA), Philippine Children’s Ministries Network (PCMN), Plan International Pilipinas, at Royal Norwegian Embassy.

Nagsagawa ng Anti-OSAEC conference ang QC LGU kasama ang ilang partner agencies at stakeholders nitong Martes, Nobyembre 14 sa isang hotel ng nasabing lungsod.

Sa ginanap na Anti-OSAEC Conference, nagpaabot ng pasasalamat si QC Mayor Joy Belmonte sa partnership na ito laban sa OSAEC.

Sa kabilang banda, inilahad naman ng Norwegian Ambassador na si

Christian Lyster na ang Norway, sa pamamagitan ng Nordic Police Liaison Office, ay mahigpit na nakikipagtulungan sa law enforcement agencies ng Pilipinas upang labanan ang OSAEC.

“Unfortunately The Philippines is a hotspot for online sexual abuse and exploitation of children,” pahayag ni Amb. Christian Lyster, Norwegian Ambassador to the Philippines.

Adbokasiya sa ilalim ng ‘Barangay Council for the Protection of Children,’ palalawakin ng QC LGU vs OSAEC

Samantala, binigyang-diin din ni Mayor Belmonte ang kahalagahan ng pakikiisa ng lokal na pamahalaan, barangay, at iba pang pampublikong ahensiya upang tuluyang mawakasan ang Online Sexual Abuse or Exploitation of Children.

Dagdag pa ng alkalde, mas palalawakin ng LGU ang adbokasiya nito sa ilalim ng Barangay Council for the Protection of Children.

Balak naman ni Belmonte na sanayin ang mga bagong halal na opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) na gamitin ang kanilang pondo sa mas produktibong mga programa gaya na lamang ng kampanya laban sa OSEAC.

Aniya, panahon na para i-elevate ang performance ng SK officials.

Mga pagsisikap vs Online Sexual Abuse and Exploitation of Children, inilatag ng DOJ-Office of Cybercrime

Sa kabilang dako, inilatag ng Department of Justice-Office of Cybercrime (DOJ-OOC) ang kanilang ginagawang pagsisikap upang labanan ang OSAEC.

Sinabi ni DOJ-OOC Investigation Agent Allysa Espela na kabilang dito ang pagpapalakas ng implementasyon ng Republic Act No. 11930 o ang Anti- Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act.

Karagdagan pa rito, ani Espela, ang pakikipagtulungan sa Electronic Service Provider (ESP) at private sector para sa automatic blocking ng URLS kung saan natukoy ang content nito bilang Child Sexual Abuse and Exploitation Material (CSAEM) at marami pang iba.

Ang talakayan sa naturang kumperensiya ay nag-ambag sa isang kolektibo at komprehensibong estratehiya upang matugunan ang maraming aspeto na mga hamon na dulot ng Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC).

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble