SA kauna-unahang face to face media press conference ni presidential candidate Bongbong Marcos na ginanap sa lungsod ng Cagayan de Oro sinabi nitong palalakasin nito ang Republic Act 9344 o mas kilalang Juvenile Justice Law.
Ang batas na ito ay naglalayong proteksyonan ang karapatan ng mga kabataang Pilipino.
Ani Marcos, hindi maaring ikulong ang mga kabataan lalo na kung menor de edad pa ang mga ito.
Bunsod nito, sinabi ni Marcos na kung mabigyan ng pagkakataon na manalo ay magpatatayo ito ng rehabilitation facility para sa nagkasala na mga menor de edad upang mabigyan ng pagkakataon na makapagbagong buhay.
Nilinaw pa ni Marcos na hindi lamang Pilipinas ang nakararanas ng problema na sangkot ang mga kabataan sa mga krimen at na–aabuso ito ng mga sindikato dahil sa murang edad pa ang mga ito.
Nararapat lamang aniya na mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na maproteksyonan ang kanilang karapatan dahil ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan.
‘’Mayroon sa ibang bansa mayroon silang ginagawa yung underage nahulihan o gumagawa ng krimen ay sometimes they try kung masyado ang kanyang krimen imbes na kinukulong dinadala para sa mga young offenders hindi kulungan kundi pang rehab,’’ ayon kay BBM.