NAIHATID na sa kaniyang huling hantungan ang yumao at dating senador na si Rodolfo Biazon.
10:40 ng umaga araw ng Martes, Hunyo 15 2023 dumating sa ‘Libingan ng mga Bayani’ ang labi ni Biazon at binigyan ito ng military honors.
Dumalo sa libing sina Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro, Army chief LtGen. Romeo Brawner, Jr. Philippine Marine Commandant Major Gen. Arturo Roxas, iba pang opisyal, pamilya, angkan ng mga Biazon, at tagasuporta nito.
Si Rodolfo Biazon ay ipinanganak noong Abril 14, 1935 at pumanaw noong Hunyo 12, 2023 sa edad na 88.
Naging general at commandant ng Philippine Marine noong 1987–1989.
Siya ang ika-21 chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Naging senador ito noong taong 1992 – 1995 at taong 1998 – 2010.
Naging congressman noong taong 2010 – 2016.
Ayon sa bunsong anak nito at ngayo’y alkalde ng Muntinlupa na si Ruffy Biazon, ang kaniyang ama ay naging simple at tapat na public servant.
Aminado ang nakababatang Biazon na hindi niya kayang tapatan ang mga nakamit ng kaniyang yumaong ama sa larangan ng politika at public service ngunit magsisilbing inspirasyon para sa kaniya ang mga nagawa nitong legasiya sa bayan na maaari niyang sundan.
Pinuri naman ni AFP chief of staff Gen. Andres Centino ang mga nagawa ni Biazon bilang dating chief of staff ng AFP.
Hindi rin aniya matatawaran ang katapatan nito sa bayan hindi lang bilang isang sundalo kundi kahit noong naging senador ito ng bansa.
Partikular na inilibing ang labi ni Biazon sa Section B Government Dignitary Statesmen kung saan nakahimlay ang mga dating kalihim ng dnd, dating heneral, at chief of staff ng AFP.