Runway 13/31 ng NAIA, muli nang magagamit matapos ang rehabilitasyon

MULI nang magagamit ang Runway 13/31 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos ang isang-taong rehabilitasyon ng runway sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ngayong araw, pinasinayaan ng mga transport opisyal ang muling pagbubukas ng Runway 13-31 na nakalaan sa mga mas magaan na eroplano tulad ng domestic flights.

Kabilang sa pinagawa ay ang repair at overlay sa runway 13-31, extension nito, at ang mga interconnected na taxiway o daanan ng eroplano.

Pinalitan din ang kumupas nang aspalto, nilatagan ng aspalto ang buong lapag ng runway at labasan nito, at pininturahan ng mga marker at guidelines para sa paglipad at paglapag.

Sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na makatutulong ang proyekto sa pagsasaayos ng air traffic sa NAIA, lalo sa gitna ng ‘pag-uwi ng mga repatriated na OFW at ang inaabangang pagdating ng mga bakuna kontra COVID-19 sa Pilipinas ngayong Pebrero.

SMNI NEWS