PERSONAL na inihatid ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner, Jr. sa mga sundalo sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal ang mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Ito’y kasunod ng resupply mission ng AFP katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG) nitong weekend, kung saan muling ginamitan ng water cannon ng Chinese Coast Guard (CCG) ang mga barko ng Pilipinas.
Sinabi ni Brawner na pinahahalagahan ng gobyerno ang paglilingkod at sakripisyo ng mga sundalo na hindi nagpapatinag na tuparin ang kanilang tungkulin.
Ayon kay Brawner, hindi nila pababayaan ang mga sundalo at kaisa sila ng mga ito sa paggigiit sa karapatan sa West Philippine Sea (WPS) sa ilalim ng international law.
Maliban kay Brawner, sumama rin sa resupply mission si AFP Western Command (WesCom) Commander Vice Admiral Alberto Carlos at iba pang personnel ng AFP.