Sen. Bato, tiwala sa pangako ni PBBM na hindi papasok ang ICC sa Pilipinas

Sen. Bato, tiwala sa pangako ni PBBM na hindi papasok ang ICC sa Pilipinas

BUO ang tiwala ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa aniya’y kasing tibay ng bato na pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na hindi papasok sa Pilipinas ang International Criminal Court (ICC) para imbestigahan ang kampanya kontra ilegal na droga ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ani Sen. Bato, ang pangako ay sinabi sa kaniya ni First Lady Liza Araneta Marcos sa isang dinner na ginanap sa Malakanyang sa buwan ng Nobyembre noong 2023.

“Solid as a rock ‘yung assurance na binigay sa akin ng Pangulo noong kami ay nag-dinner doon sa Malacañang. Solid as a rock. Naniniwala ako sa Pangulo. Buo ang tiwala ko sa kaniya sa sinabi niya sa akin about the ICC until now. Buong-buo pa rin ang aking paniniwala sa kaniya na hindi niya papapasukin ang ICC,” ayon kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Tiwala si Sen. Bato kay Pangulong Marcos sabay diin na ang imbestigasyon ng anumang foreign entity sa bansa ay malinaw na pag-apak sa soberenya ng Pilipinas.

Kasabay rito ay nanawagan din ang mambabatas sa mga awtoridad na kumpirmahin ang umano’y pagpasok ng ICC investigators sa bansa, at siguraduhin na naitataguyod ang posisyon ng gobyerno sa nasabing usapin.

“The government’s position should be maintained and it should be felt on the ground. Kung ang official position of the government is hindi talaga sila i-entertain at nanghihimasok sila dito, nagka-conduct ng investigation, ang sabi nga ni former Senator [Juan Ponce] Enrile, they can be arrested,” dagdag ni Dela Rosa.

Sakaling nagsasagawa na ng imbestigasyon ang ICC sa loob ng Pilipinas, sinabi ni Dela Rosa na dapat gawin ng Department of Justice (DOJ) ang nararapat sa pamamagitan ng pagdeklara sa kanila bilang undesirable aliens at agad na ring ipa-deport.

“I will ask the DOJ, ‘You do the right thing.’ Sobrang encroachment ‘yan sa ating sovereignty. Hindi sila in-authorize ng gobyerno natin, then nandito sila nag-conduct ng investigation. Para na tayong ginagago ng mga tao na ‘yan. They should be declared as undesirable aliens by the Bureau of Immigration at once,” ani Dela Rosa.

Matatandaan, noong Nobyembre 2023 ay una nang sinabi ni Pangulong Marcos na ang imbestigasyon ng ICC kay dating Pangulong Duterte ay may problema sa jurisdiction at soberenya ng bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble