Sen. Cynthia Villar, pinasisiyasat sa Senado ang oil spill sa Oriental Mindoro

Sen. Cynthia Villar, pinasisiyasat sa Senado ang oil spill sa Oriental Mindoro

PINAIIMBESTIGAHAN ni Senator Cynthia Villar ang oil spill mula sa lumubog na tanker na MT Princess Empress dahil sa malawakang pinsala sa marine ecosystem at biodiversity.

Inihain ni Villar ang Senate Resolution 537 para siyasatin ng Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change ang dumaraming masamang epekto ng oil spill mula sa barkong lumubog sa karagatan ng Nauajan, Oriental Mindoro noong February 28.

Bagama’t natantiya na ang oil spill ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Coast Guard at Office of Civil Defense (OCD), wala pang konkretong aksiyon para mapigil ang pagkalat nito.

Binanggit ni Villar ang panawagan ng local government units (LGUs), mga apektadong residente at environmentalists sa agarang pagkilos para maiwasan ang paglawak ng pinsala na nakaaapekto sa kapaligiran, kabuhayan at kalusugan pati na rin sa industriya ng turismo.

Binigyan-diin niya ang ulat ng UP-Science Institute experts na posibleng maapektuhan  ng oil spill ang mahigit 36,000 ektarya ng coral reefs, mangroves, at sea grass sa Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Palawan at Antique.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter