Sen. Robin, tinapos ang pagdinig sa pag-amyenda ng economic provisions ng Konstitusyon

Sen. Robin, tinapos ang pagdinig sa pag-amyenda ng economic provisions ng Konstitusyon

TINAPOS na ni Senator Robinhood “Robin” C. Padilla ngayong Huwebes ang pagdinig sa mga panukala para amyendahan ang economic provisions ng Saligang Batas upang payagan ang pagpasok ng dagdag na foreign investment at nakatakda niyang talakayin ang isyu sa miyembro ng Kamara sa darating na Linggo.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes sa Cebu City, nanindigan si Padilla na tungkulin niyang isulong ito kahit na may nangungutya sa kaniya.

Ito ay dahil nais niyang bigyan ng maginhawang buhay ang mga Pilipino sa pamamagitan ng magandang ekonomiya.

Iginiit ni Padilla sa pagdinig na dapat amyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon dahil sa kasalukuyan, ito ang isa sa pinaka-restrictive sa pagpasok ng Foreign Direct Investments (FDIs).

Dahil dito, aniya, kulelat ang Pilipinas sa Asya.

Sa Lunes naman, lalahok si Padilla sa pagdinig kasama ang miyembro ng Kamara, para pag-usapan kung paano aamyendahan ang economic provisions sa pamamagitan ng constituent assembly (Con-ass) o Constitutional convention (Con-Con).

Ipinasa ng Kamara ang resolusyon na amyendahan ang economic provisions sa pamamagitan ng Con-con.

Ngunit iginiit ni Padilla na hindi siya papayag na makalusot ang ibang agenda sa pag-amyenda ng economic provisions ng 1987 Constitution.

Kaniya ring iginiit na nais niyang gawin ang pag-amyenda sa pamamagitan ng Con-ass dahil menos gastos at oras ito.

Follow SMNI NEWS in Twitter